Ang 20-year-old aspiring singer-actor na si John Gabriel (real name: John Gabriel Legisniana) ang bagong discovery ng talent manager na si Wowie Roxas.
Si Wowie ang mentor-discoverer ni Manila City Mayor Isko Moreno.
Tulad ni Isko, mahirap din ang pamilya ni John Gabriel.
Kung si Wowie ang tatanungin, ayaw na niyang mag-build up ng baguhang artista.
Pero bukod sa kanyang konsensiya, ang tanong na “what if?” ang nangingibabaw kaya tinulungan pa rin niya ang bagong talent.
Anim na taon na ang nakalilipas nang magprisinta si John Gabriel na artista kay Wowie, pero hindi pinansin ng talent manager ang mensaheng ipinadala ng aspiring actor sa kanyang Facebook page.
Noong nakaraang taon, nagulat si John Gabriel nang ipatawag siya ni Wowie sa opisina nito.
“Ipinatawag po ako ni Daddie dahil nakita niya ang mga photo ko sa Facebook account ko nang magbinata na ako.
“Masuwerte po ako dahil naging active na uli si Daddie sa pagma-manage ng mga artista. Masuwerte rin po ako dahil kahit kapos po kami sa pera ay tinulungan po ako ni Daddie.
“Mayayaman po lahat ang mga artist ngayon ni Daddie, ako lang po ang mahirap,” sabi ni John Gabriel.
Nagkaroon na ng mga TV exposure si John dahil lumabas na siyang extra sa mga teleserye noong hindi pa siya nakikilala ni Wowie.
Childhood dream ni John Gabriel na maging artista kaya kahit pumasok siya sa showbiz sa panahon ng coronavirus pandemic, ipinangako niyang pagbubutihin ang mga bagay na ipagagawa sa kanya.
Sabi niya, “Bata pa lang po ako, inaaral ko na po ang mga talento na gusto ko pong ipakita o ibahagi sa masa—ang acting at singing.
“Malaking impact po ang coronavirus sa pagpasok ko sa showbiz dahil sobrang limitado lang po ang mga pwedeng gawin.
"Pero kahit may COVID-19, tuloy pa rin ang paghahanda ko para sa mga darating na project.”
Introducing si John Gabriel sa My First, Your Last, ang launching movie ng love team nina Ken Chan at Rita Daniela.
Regular ding pinatutugtog sa Barangay 97.1 LS ang kanyang debut single na "O Pilipina" kaya maligayang-maligaya siya sa magagandang nangyayari sa career niya.
Ayon kay John Gabriel, "Sobrang masaya po ako dahil napapansin na ang mga pinaghihirapan namin ni Daddie Wowie, lalo na’t panahon ng pandemic.
"Inspired po ng hinahangaan ko na Pilipina ang 'O Pilipina.' Si Bryant Aunor po ang composer. Sinabi ko lang sa kanya ang mga katangian na hinahangaan ko sa isang Pilipina.
"I was 14 years old nang magsimula po ako na kumanta dahil may banda po ako noong high school ako."
Patuloy niya, "Theater actor din po ako noong high school kaya natuto ako na umarte. Masaya at sobrang memorable po ang aking first movie with Ken Chan and Rita Daniela dahil magkakasundo po kaming lahat sa set.
"Mababait at magaan po sila na katrabaho, pati ang aming direktor na si Louie Ignacio."
Ngayong unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pangarap, palaging binabalikan ni John Gabriel ang mga karanasan nito noong umeekstra siya sa mga teleserye na nagsisilbing inspirasyon niya.
"Sama-sama po kami ng ibang mga talent na natutulog sa sahig at sa karton.
"Yun ang time na tinitingnan ko lang po yung mga tent ng artista, at ang iniisip ko na balang-araw, magiging isa rin ako sa kanila."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika