What I saw at the crime scene after gruesome murder of Nida Blanca

by Jojo Gabinete
Nov 7, 2020
November 7, 2001, natagpuang patay si Nida Blanca tadtad ng saksak. Nineteen years later, nananatiling misteryo kung sino ang nasa likod ng gruesome murder ng isa sa mga pinakahinahangaang aktres sa pelikulang Pilipino.
PHOTO/S: File

Hindi makakalimutan ng mga nagmamahal kay Nida Blanca, o Dorothy Jones sa tunay na buhay, ang November 7, 2001—ang petsa ng malagim na kamatayan ng aktres.

Halos dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang natagpuan siyang patay sa 33rd floor ng parking lot ng Atlanta Centre condominium building sa Annapolis Street, Greenhills, San Juan City.

Pero hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa lahat kung sino ang tunay na salarin.

May mga naniniwala na si Philip Medel ang nasa likod ng pagpatay kay Nida dahil sa kanyang pagsuko at pag-amin noong November 19, 2001, sa Philippine National Police.

Ipinagtapat noon ni Medel na ang American husband ni Nida na si Rod Strunk ang utak ng krimen.

Pero nagulo ang imbestigasyon nang ipagsigawan niya sa harap ng media ang diumano’y torture na kanyang dinanas sa kamay ng mga pulis na pinilit siyang umamin sa kasalanang hindi ginawa.

philip medel

Continue reading below ↓

Ang recantation ni Medel ay nangyari noong November 23, 2001, na araw naman ng kamatayan ng comedienne na si Teresa Carlson, na tumalon mula sa 23rd floor ng tinitirhang Platinum 2000 condominium building, na hindi kalayuan sa Atlanta Centre.

Naging prime suspect si Strunk sa pagpaslang sa asawang si Nida, na noon ay 65 years old, pero nagawa niyang lumipad patungong Amerika noong January 2002, para dalawin ang kanyang ina na may sakit.

Hindi na bumalik si Strunk sa ating bansa dahil hindi pinagbigyan ng U.S. government ang extradition request ng pamahalaan ng Pilipinas.

Rod Strunk

Continue reading below ↓

CRIME SCENE

Araw ng Miyerkules noon, at sa radyo narinig ng writer na ito ang balitang natagpuan sa parking lot ng Atlanta Centre ang wala nang buhay na katawan ni Nida.

Malapit lamang ang Atlanta Centre sa condominium building na tinitirhan ko noon, at dali-dali akong nagpunta sa crime scene.

Naabutan ko sa parking lot ang mga pulis na nag-iimbestiga sa kaso, ang ABS-CBN executive na si Deo Endrinal, na client ng isang fitness gym sa Atlanta Centre, at ang mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama, na close friends ni Nida.

Hysterical si Annabelle nang dumating kami sa parking lot, at siya ang nagyaya na silipin namin ang bangkay ni Nida.

Pataob ang katawan nito na nakasiksik sa pagitan ng back seat at front seat ng kotse niya.

Naroroon rin si Rod Strunk na tahimik at tila wala sa sarili, pero napansin naming hindi siya lumalapit sa sasakyan ng kanyang asawa.

Continue reading below ↓

Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na labingtatlong beses na sinaksak si Nida gamit ang payong, na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Active board member si Nida ng Movie and Television Review and Clasification Board (MTRCB), na matatagpuan noon sa Atlanta Centre ang opisina, kaya nasa naturang lugar ang respetadong star.

Nang araw na iyon, may presscon ang Regal Films para sa Ano Bang Meron Ka?, ang pelikulang pinagbibidahan nina Joyce Jimenez at Diether Ocampo, pero ang tragic death ni Nida ang mainit na pinag-usapan ng entertainment press.

NBI'S INVESTIGATION

Noong July 18, 2002, nagsampa ng parricide case ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Rod, samantalang murder naman ang isinampa nila laban kay Medel at sa tatlong John or Jane Does.

Naniniwala ang NBI, batay na rin sa mga rebelasyon ni NBI Director Reynaldo Wycoco, na kaso ng kasakiman at pagtataksil ang ugat ng pagpatay kay Nida.

"Their marriage was no longer working then and that the actress had informed her husband that he would be disinherited," ang pahayag noon ni Wycoco sa mga miyembro ng media.

Continue reading below ↓

Napag-alaman ng NBI na may ari-arian si Nida na nagkakahalaga ng PHP85 million, isang PHP10-million condominium unit sa San Juan, at isang bahay sa California na may halagang US$300,000.

Sa imbestigasyon ng NBI, nakahanda na raw ang last will and testament ni Nida, at nakasaad ditong maiiwan sa kanyang anak na si Katherine Torres ang lahat ng kanyang ari-arian.

kaye torres

Continue reading below ↓

Nakabuo rin ang NBI ng scenario tungkol sa mga huling sandali ni Nida.

Noong November 6, 2001, sinundo ni Strunk si Medel sa isang lugar at kumain sila sa Kamayan restaurant sa EDSA, Mandaluyong City. Pagkatapos ng hapunan nila, tumuloy ang dalawa sa 33rd floor ng parking lot ng Atlanta Centre dahil dito nakaparada ang sasakyan ni Nida. Gamit ang duplicate key, iniwan ni Strunk si Medel sa loob ng sasakyan ni Nida.

Makalipas ang ilang oras, bumalik siya sa parking lot, kasama si Nida, at dito nangyari ang kanilang pagtatalo dahil sa last will and testament, kaya nagtulong sina Strunk, Medel, at isang hindi na nakilalang babae sa pagpatay sa veteran actress.

Pero sa kabila ng imbestigasyon, hindi naging malinaw kung sino o sinu-sino ang nasa likod ng murder, hanggang sa bawian ng buhay ang nakakulong na si Medel noong April 7, 2010 dahil sa sepsis.

Bago nito, namatay ang pangunahing suspect, ang kanyang asawang si Rod.

Continue reading below ↓

STRUNK'S DEATH

Nasawi si Rod noong July 11, 2007, matapos tumalon sa second-floor balcony ng Tracy Inn, ang hotel na tinuluyan niya sa loob ng tatlong araw sa Tracy, California.

Noong araw ding iyon ay pabalik sa Pilipinas ang GMA-7 reporter na si Lhar Santiago mula sa ilang linggong pagbabakasyon sa Los Angeles, California.

Papunta na si Lhar sa international airport ng Los Angeles nang makatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa GMA-7 tungkol sa isang mahalagang assignment.

Lhar Santiago

Continue reading below ↓

Sa phone conversation ni Lhar with Cabinet Files, binalikang-tanaw nito ang nangyari.

"Nasa Interstate 405 freeway na ako, papunta na ako sa airport, biglang tumawag ang GMA-7. Nasaan daw ako. Sabi ko, papunta na ako sa airport.

"Sinabihan ako na huwag munang umuwi dahil nagpakamatay nga raw si Rod Strunk kaya pinapunta nila ako sa San Francisco, California.

"Ibinigay nila sa akin ang pangalan ng hotel.

"Ang nangyari, sa halip na umuwi ako ng Pilipinas, kumuha lang kami ni Arwin [Bernabe, ang kaibigang maghahatid sa kanya sa airport] ng damit sa bahay niya, at nagpunta na kami sa San Francisco. Nagbiyahe kami by land.”

Anim na oras ang biyahe mula sa Los Angeles hanggang San Francisco, at tatlumpong minuto naman ang layo ng San Francisco sa Tracy, California.

"Tumuloy kami ni Arwin sa bahay ng kanyang tito, at ito ang sumama sa amin sa pagpunta sa Tracy dahil alam niya ang pasikut-sikot doon,” ang kuwento ni Lhar tungkol sa misyon niyang puntahan ang hotel na pinangyarihan ng malagim na kamatayan ni Rod.

Continue reading below ↓

"Nagpunta kami sa police station ng Tracy, pero wala naman akong nakausap dahil iba ang proseso nila doon.

"Pinuntahan din namin ang Tracy Inn, pero bakas na lang ng dugo ni Rod ang aming nakita, sa lugar kung saan siya tumalon.

"Hindi pumayag ang inn management na pumasok kami sa kuwarto na tinuluyan ni Rod dahil ongoing pa ang investigation at may mga gamit pa doon.

"Hinanap namin siya sa iba’t-ibang mortuary, pero hindi namin siya nakita."

November 7, 2020, nananatiling misteryo kung sino ang pumatay sa aktres, na nagningning ang bituin sa showbiz sa loob ng 50 taon, at nakilala sa telebisyon bilang si Marsha sa John en Marsha.

Images from YES! magazine.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
November 7, 2001, natagpuang patay si Nida Blanca tadtad ng saksak. Nineteen years later, nananatiling misteryo kung sino ang nasa likod ng gruesome murder ng isa sa mga pinakahinahangaang aktres sa pelikulang Pilipino.
PHOTO/S: File
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results