Isinilang ni Ryza Cenon noong October 31 si Night, ang panganay nilang anak ng cinematographer na si Miguel Antonio Cruz.
Nabanggit sa virtual presscon ng Bella Bandida ngayong Martes ng hapon, November 10, ang desisyon nilang huwag nang sundan si Night.
"Nag-decide kami na isa lang. Naisip namin na parang habang tumatagal, siyempre pamahal nang pamahal ang tuition fee. Yun agad ang nasa isip namin, di ba?
"Tumitingin kami ng mga insurance para kay Night, nakita ko yung mga presyo. Ngayon pa lang, ganito na ang presyo ng mga tuition. Paano pa paglaki niya?
"Mas gusto naming mag-focus sa kanya.
"Kung may mangyari mang magkaka-baby kami uli, okey naman. Pero ang plan po talaga namin is one lang," rebelasyon ni Ryza, na pinairal ang pagiging praktikal nang isilang niya si Night.
Natatawang ikinuwento ni Ryza na pinilit nitong maging normal ang panganganak niya dahil mahal ang bayad via caesarean section delivery.
Nang tanungin kung napag-uusapan na nila ni Miguel ang pagpapakasal, "hindi" ang sagot ni Ryza dahil inulit niya ang katuwirang nakasentro ngayon kay Night ang kanilang atensiyon.
"Napag-uusapan naman po pero hindi pa muna," sagot ni Ryza na mabilis din ang pahayag sa tanong kung hindi ba siya natatakot dahil walang security ng kasal ang pagsasama nila ni Miguel.
“Hindi naman, naniniwala naman po ako kay Miguel,” confident na sabi ni Ryza.
BELLA BANDIDA
“Hardcore” ang description ni Ryza sa mga action scene niya sa Bella Bandida.
Pero walang kamalay-malay ang aktres na buntis na siya habang ginagawa ang action series na pinagbibidahan niya at mapapanood sa TV5 simula sa November 25.
“Sobrang hardcore po ng mga fight scene, lalo na yung last, noong February na kinunan kasi inulit po namin yung scene.
"Ni-reshoot kasi mas pinahirapan ang mga scene. Naitawid naman lahat," kuwento ni Ryza.
Ang National Artist for Visual Arts na si Francisco Conching ang sumulat ng kuwento ng Bella Bandida, isang sikat na karakter noon sa komiks.
Para kay Ryza, malaking karangalang siya ang napiling magbida sa TV version nito.
sa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika