Pumanaw na si April Boy Regino.
Acute respiratory failure ang ikinamatay ng 59-year-old Jukebox Idol na binawian ng buhay kaninang alas tres ng madaling-araw, November 29, 2020, sa Metro Antipolo Hospital and Medical Center, Antipolo City.
Nanggaling ang kumpirmasyon ng pagkamatay ni April Boy mula sa kanyang anak na si JC Regino, na personal na nakausap ng veteran entertainment writer na si Cristy Fermin, na siya namang nagparating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Ayon kay Cristy, na family friend ng mga Regino, ibuburol si April Boy—o Dennis Regino Magloyuan Magdaraog sa totoong buhay—sa Idolstar Restobar sa Calumpang, Marikina City.
Katabi lamang ng bahay ni April Boy ang Idolstar Restobar.
Sumikat nang husto noong dekada ’90 si April Boy, ang umawit ng mga phenomenal novelty hit songs na "Paano Ang Puso Ko," "Umiiyak ang Puso," at "Di Ko Kayang Tanggapin." Naging bahagi rin ng trademark niya ang kanyang mga caps.
Ginamit noon na pamagat ng mga pelikula at theme song ng mga television series ang mga kanta ni April Boy dahil sa popularidad ng mga ito lalung-lalo na sa masang Pilipino.
Sinabi ni Cristy na mahirap pantayan ang mga naging supreme hits ni April Boy.
Noong October 2005, kasama ang pamilya niya, nagpasya si April Boy na manirahan nang permanente sa Amerika.
Nabigyan siya ng extraordinary ability visa, na ayon sa website ng US Citizenship and Immigration Services ay para sa "individual who possesses extraordinary ability in the sciences, arts, education, business, or athletics, or who has a demonstrated record of extraordinary achievement in the motion picture or television industry and has been recognized nationally or internationally..."
Ang kinabukasan ng mga anak nila ng kanyang misis na si Madel ang malaking factor sa desisiyon ni April Boy na mag-migrate sila sa U.S.
Noong February 2009, nagkaroon si April Boy ng prostate cancer at diabetes na isa sa mga dahilan ng pagbalik niya sa Pilipinas.
Gumaling ang karamdaman ni April Boy sa prostate, pero nagkaroon siya ng bagong pagsubok sa kalusugan nang pumutok ang ugat sa mga mata niya dahil sa sobrang taas ng kanyang blood-sugar level.
Ipinagtapat ni April Boy noong August 2015 na nawala ang kanyang paningin sa loob ng isang taon kaya sumailalim siya sa eye surgery.
Hindi na masyadong aktibo si April Boy sa showbiz nang magkaroon siya ng mga karamdaman, pero hindi na mabubura sa kasaysayan ng Philippine music industry ang mga kontribusyon niya dahil sa kanyang mga kanta na walang kamatayan.