Sa kabila ng pakiusap ng Commission on Human Rights (CHR), psychologists, at concerned citizens, patuloy ang pagbatikos ng netizens sa menor de edad na anak na babae ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.
Si Nuezca ang kriminal na pulis na walang awang pumaslang sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio ng Paniqui, Tarlac.
Nadamay ang anak ni Nuezca sa galit ng publiko dahil kitang-kita sa viral video ang pananakit ng bata kay Sonya at sa isang babaeng umaawat sa ginagawang pag-aresto ng kanyang ama kay Frank noong Linggo, December 21.
Matapos sumigaw ng bata ng “My father is a policeman!” ay binaril ni Nuezca nang malapitan sina Sonya at Frank kaya kabilang siya sa mga sinisisi ng mga tao.
PROTECT THE CHILD
Sa panayam ng DZBB kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline Anne de Guia, sinabi nitong may pagkakamali ang anak ni Nuezca pero dapat isaalang-alang na menor de edad ito kaya kailangan din nito ng proteksyon.
Nanawagan si De Guia sa publiko na ihinto ang pagkondena sa bata.
Pero mahirap pakiusapan at ayaw magpaawat ang mga netizens na hinigitan pa ang mga tunay na imbestigador dahil nalaman nila ang kumpletong pangalan at petsa ng kapanganakan ng anak ni Nuezca.
Nakahanap din sila ng mga larawan ng bata na hanggang ngayon ay pinagpasa-pasahan sa social media, kasama ang video ng aktuwal na pagpatay ng tatay niya sa mga walang kalaban-labang biktima.
TETCHIE AGBAYANI
Isang psychologist at psychology professor ang aktres na si Tetchie Agbayani, kaya hiningi namin ang kanyang opinyon tungkol sa panghuhusga at pagkondenang ginagawa ng publiko sa anak ni Nuezca.
Pero naging maingat sa pagbibigay ng opinyon ang aktres.
Pahayag niya, "It’s almost Christmas and I’d rather not dabble in the sordid analysis of a very tragic incident nor can I make a fair comment on the daughter’s personality and frame of mind unless I have spoken to her personally and given her some psychological tests and evaluation.
"That’s just the practice in my field of discipline; and I wouldn’t feel I’ve given a wholistic assessment without those requirements."
Magpahanggang ngayon ay pinag-uusapan ang trahedya sa Tarlac dahil hindi lamang sa Pilipinas narinig ang alingawngaw ng mga putok ng baril na ginamit ni Nuezca sa pagpatay sa mga kawa-awang biktima, kundi maging sa buong mundo.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika