Ibinunyag ni Baron Geisler na tatlong klase ng gamot ang iniinom niya araw-araw.
Inamin ito ni Baron sa panayam sa kanya ni Gladys Reyes sa Moments, ang celebrity talk show ng aktres sa Net25.
Nasubaybayan ni Gladys ang mga isyu at kontrobersiyang kinasangkutan noon ni Baron kaya tuwang-tuwa siya sa malaking pagbabago ng aktor.
Si Baron, 38, ay isang mental health advocate at aktibo bilang mental health warrior ng Philippine Mental Health Association Cebu Chapter.
Pahayag ng aktor, "Hindi alam ng karamihan na pumupunta ako sa places sa mga probinsiya at kinakausap namin ang lay people, ine-educate namin about mental health.
"When we talk about mental health, it doesn’t mean we talk about the illness… we talk about how to avoid the illness…”
EXPENSIVE MEDICINES FOR MENTAL PATIENTS
May panawagan si Baron sa pamahalaan dahil sa mahal na presyo ng mga gamot para sa mga may kapansanan sa pag-iisip.
Aniya, "I’m also dealing with mental health illness and I’m also alcoholic, but of course, I’m dealing with it every day.
"I work my program and I also take my medications.
"Ang pinakamahirap nito, nung maging mental health warrior ako, minsan nagpapadala ang gobyerno sa probinsiya ng gamot, pero hanggang doon lang ang abot-kaya nila.
"Napakamahal ng gamot, umaabot po ‘yan ng P150 ang isang tableta. Kung iisipin mo ‘yan, itong mga taong ito, hindi nila ma-afford.
"So, isa po ‘yan sa mga hinihiling namin sa gobyerno na bigyan nila ng pansin para matulungan yung mga kababayan nating merong problema sa pag-iisip.
"Kailangan kasi ma-sustain ‘yan. Ako, araw-araw ako na nagte-take ng gamot ko, and it’s no joke.
"May kamahalan talaga dahil hindi lang isa ang gamot na iniinom ko, tatlo!”
ACCEPTING HIS PROBLEM
Hindi itinanggi ni Baron na in denial siya noon tungkol sa pagkakaroon ng problema sa pag-iisip, na tinanggap niya dahil sa tulong na mga nagmamahal sa kanya.
"Nandiyan ang pamilya at nakatulong ang pag-accept ko na meron akong problema.
"Kasi noong in denial ako sa alcoholism ko at sa mental illness ko, paano ko siya maaayos or mape-face head on?
“So, buti na lang yung wife ko, she’s a wonderful human being, she helped me to get help.
“Ang nag-work lang is for me to accept it and forgive the people who hurt me, and forgive also the people I hurt, and just keep on working the program.
“I’m not saying that I’m healed, but yung akin lang, ang nakakatulong sa akin is merong app na mga Bible verses siya na non-stop meditation. So, I listen to that and pray before sleeping.
"It helps me... hanggang sa paggising ko, I’m like... I’m so grateful. I’m alive, God!"
Malaki ang pasasalamat ni Baron sa Diyos na nagmulat sa kanya sa katotohanan kaya nawala raw ang pagiging maramot at mapagmalaki niya.
Mula nang magbagong-buhay siya, muling naging visible si Baron sa entertainment industry.
Nagkasunud-sunod ang kanyang mga project tulad ng pelikulang Tililing at guesting sa "Manika" episode ng Kagat ng Dilim, na mapapanood ngayong Linggo ng gabi, 7 p.m., February 28, sa TV5.
Saad niya, "Sobrang selfish kong tao.
"Sabi ko, it’s all about me. It’s all about me, what I want.
"But nung na-realize ko na, 'Hey I’m not special, I’m not great. There’s only one great person in this universe, God right?'
"Kahit nariyan ang anak ko, kahit nariyan ang asawa, kung hindi ko po gugustuhin at pipilitin ko ang sarili ko na tulungan ang sarili ko na magbago, wala rin pong mangyayari.
"Kailangan manggaling pa rin sa tao na gustong magbago."
Sabi pa ni Baron, "Ang daming tumulong sa akin, buong industriya, tinulungan na ako. Ilang chances na ang ibinigay sa akin pero binalewala ko kasi nga selfish ako.
"Ako ang pinakamagaling, di ba? Hinihindian ko yung mga tulong nila dahil sa utak ko nung mga panahon na ‘yon, wala akong sakit, artist ako, e! Ito yung dapat!
"Pinalitan ko yung frame of mind and perspective, so mas lumawak. Hindi yung puro ako.
"Namulat yung mata ko sa mga bagay na mas importante kesa sa mga pangangailangan ko."
Binanggit din ni Baron sa panayam ni Gladys na bukod kay Talitha, ang anak nilang babae ng kanyang misis na si Jamie Evangelista, ay mayroon din siyang dalawang anak na lalake—isang 15 years old at 7 years old.
Pero hindi na siya nagbigay ng detalye tungkol dito.