Hindi imposibleng ipatupad sa It’s Showtime ang paalaala ni Amy Perez sa mga celebrity contestant ng "Hide and Sing" na huwag mag-post sa social media ng kanilang mga video bago sumalang sa popular segment ng programa dahil sa nangyari nitong Huwebes ng tanghali, March 4.
Si Yassi Pressman ang celebrity guest sa "Hide and Sing" ngayong araw.
Ito ang unang live appearance niya sa telebisyon matapos patayin ang kanyang karakter sa FPJ's Ang Probinsyano noong January 2021 at bago siya magsimula ng taping bilang host ng Rolling In It, ang game show ng TV5, sa April.
Nang marinig ni Yassi ang boses ni Mystery Singer Number 1, nagsalita siya ng "Parang sigurado akong number one ang celebrity singer natin. Parang si Ate Vina [Morales].”
Inawit ni Mystery Singer Number 1 ang "Ang Pag-Ibig Kong Ito" na pinasikat noon ni Leah Navarro.
Pagkatapos ng kanyang kanta, nagkomento si Vhong Navarro: "May tanong ako, number one, bago ka sumalang dito, nag-post ka ng nagti-TikTok ka? 'Tapos nag-post ka sa IG mo nagti-TikTok ka?'"
"'Nakita niyo po? Ay, hindi po ako ‘yon” ang nagmaang-maangang sagot ni Mystery Singer Number 1.
Muling tiningnan ni Vhong sa kanyang cell phone ang Instagram account ni Vina.
Sabi ng It's Showtime host, "Hindi ako aalis dito dahil kaibigan ko ito, number one ako. Kilalang-kilala ko, pinanood ko pa yung TikTok niya. 'Tapos, nakita ko yung background, dressing room natin."
Hindi sumablay si Vhong dahil si Vina Morales nga ang Mystery Celebrity singer na pinahuhulaan kay Yassi.
Madali para kay Vhong na matukoy kung sino ang mystery celebrity singer dahil pamilyar na pamilyar sa kanya ang background sa TikTok video ni Vina.
Kaya sabi ni Amy: "Paalaala sa mga susunod na magge-guest dito sa 'Hide and Sing,' ha? Huwag nga muna kayong magti-TikTok o Instagram…"
Nahirapan si Vina na itanggi ang katotohanan dahil ilang oras bago isalang sa "Hide and Sing," nag-post siya sa kanyang Instagram account ng kanyang TikTok vide.
Nilagyan niya ito ng caption na "Maka tiktok na nga lang" at may hashtag na #waiting at work.