Ang StarStruck Season 6 contestant na si Liezel Lopez ang bagong karelasyon ni Kristoffer Martin.
Hindi na ito inililihim ng 26 anyos na aktor, na nakipaghiwalay sa kanyang ex-girlfriend na si AC Banzon noong December 19, 2020.
Hindi na rin itinatago ni Kristoffer sa mga taong malalapit sa kanya ang pagmamahalan nila ng 23-year-old Kapuso actress.
Marami ang nakakakita sa kanilang magbakasyon sa isang beach resort.
Si Liezel ay gumaganap na kapatid ni Kristoffer sa Babawiin Ko Ang Lahat, ang afternoon drama series ng GMA-7 na nag-umpisa noong February 22, 2021.
Sa exclusive interview ng PEP.ph kay AC noong February 17, 2021, sinabi niyang magkarelasyon pa sila ni Kristoffer bago nagsimula ang lock-in taping ng aktor para sa Babawiin Ko Ang Lahat, na tumagal mula November 18 hanggang December 18, 2021.
Pero nang matapos ang lock-in taping, naramdaman daw ni AC ang malaking pagbabago sa ugali ni Kristoffer, na "pagod na ‘ko" raw ang tanging paliwanag na ibinigay sa kanya.
"I think he had someone else during his lock-in taping," pahayag ni AC sa exclusive interview sa kanya ng PEP.
Sinabi ni AC na inamin ni Kristoffer sa kanyang may sangkot na third party sa kanilang paghihiwalay, pero hindi sinabi ng aktor ang pangalan ng babae.
Hindi nagkamali ang "woman’s intuition" ni AC, at hindi na niya kailangang mag-imbestiga dahil si Liezel ang mystery girl na inspirasyon ngayon ni Kristoffer.
Tama rin ang malakas na kutob ni AC na kasamahan ni Kristoffer sa lock-in taping ng Babawiin Ko ang Lahat ang naging kapalit niya sa puso ng ama ng kanyang four-year-old daughter.