Ang mga kuwento ni Rhen Escaño tungkol sa mga napag-uusapan nila ni Coco Martin sa set ng FPJ's Ang Probinsyano ang pruwebang hindi nakakalimutan ng aktor ang pagsisimula ng kanyang acting career.
Bago nagkaroon ng superstar status si Coco sa Philippine entertainment industry, naranasan niyang maging bit player, sumabak sa mga sexy pictorial, at gumawa ng daring movies gaya ng Masahista (2005) at Serbis (2008).
Sinabi ni Coco kay Rhen na hindi nagkakalayo ang kanilang career path dahil naghubad din ang aktres sa mga pelikulang Adan at Untrue, na parehong ipinalabas sa mga sinehan noong 2019.
"Ever since nag-start ako sa Ang Probinsyano, laging nangyayari ‘yan. Lagi niya akong kinakausap. Kung advice lang po ang pag-uusapan, sobrang dami po," umpisang salaysay ni Rhen tungkol sa madalas na pag-uusap nila ni Coco.
"Lagi niyang sinasabi sa akin, ‘Rhen, kung saan ka kasi nagsimula, diyan din ako, e. Yung path na tinatahak mo, halos pareho sa kung anuman yung tinahak ko.
“So, ikinuwento niya kung anong naging journey niya, ‘Nag-start ako ganito, all out. Mas malala pa sa ginawa mo pero tingnan mo ako ngayon.’
"So, yung pinakapayo niya is, ‘Mag-focus ka sa trabaho mo, maging propesyonal ka, gawin mo lahat ng makakaya mo.’
"Lagi niyang sinasabi sa akin na, ‘Magtiwala ka dahil kung kami na mga nasa paligid mo, naniniwala kami sa 'yo, kailangan maniwala ka rin sa sarili mo dahil someday alam namin na makukuha mo.’
"Lagi po niyang ipinaparamdam sa akin yun na, someday, magagawa ko talaga. So I’m blessed and thankful."
Natapos na ang five-year exclusive contract ni Rhen sa Viva Artists Agency (VAA) at hindi siya nagdalawang-isip mag-renew ng kontrata dahil ramdam na ramdam daw niya ang pag-aalaga at pagmamahal ng kanyang mother studio.
Sa Zoom presscon ng VAA para kay Rhen nitong Biyernes ng hapon, March 12, mga papuri pa rin kay Coco bilang aktor at direktor ng Ang Probinsyano ang kanyang mga pahayag.
"Sa unit po ni Direk Coco, wala po kaming script, so ganoon po siya ka-dedicated and ganoon po siya ka-hands on sa mga ginagawa niya.
"Ganoon siya katalino mag-isip na yung bagong series na napapanood ninyo, idea niya po lahat ‘yon.
"Hindi ko po talaga naramdaman sa kanya na bago lang ako, hindi niya ako kilala.
"Since day one, hindi niya po ako pinabayaan. Isa siyang malaking factor, number one na dahilan, kung bakit naitawid ko nang maayos yung character ko dahil inalalayan po niya talaga ako.
"Sa lahat po ng mga eksena ko na kasama ko po siya, lagi niya akong inaalalayan. Hindi ka niya talaga pababayaan.
"Sobrang grateful po ako na pina-experience niya sa akin yung ganoong klaseng pagtatrabaho dahil mas naramdaman ko yung pagmamahal sa craft ko bilang artista. Nag-grow po ako as an actor dahil kay Direk Coco," pahayag ni Rhen.
Nagbitiw ng salita si Rhen na gusto niyang mag-concentrate sa heavy acting kaya baka hindi na maulit ang mga daring scene na kanyang ginawa sa Adan at Untrue.
In short, tatalikuran na niya ang pagpapaseksi sa pelikula na pinagdaanan din noon ni Coco.