Ang First Yaya ang unang project ni Maxine Medina sa GMA-7.
Masaya ang dating beauty queen dahil magaang katrabaho ang lahat ng kanyang mga kasama sa romantic-comedy series na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez.
Hindi naiwasan ni Maxine na kabahan sa unang araw ng kanyang taping para sa First Yaya, at hindi siya makapaniwalang magkasama sila ni Gabby na napapanood lamang niya dati sa pelikula at telebisyon.
At gaya ng dapat asahan, lumitaw ang pagiging fan ni Maxine sa unang pagkakataon ng pagkikita nila ni Gabby na para sa kanya ay hindi tumatanda ang hitsura.
Kontrabida ang role ni Maxine sa First Yaya dahil siya ang magpapahirap sa buhay ng karakter na ginagampanan ni Sanya.
Malayong-malayo sa ugali ni Maxine ang papel na ginagampanan niya at nahihirapan daw siyang gumanap na salbahe.
Kaya nagpapasalamat siya sa tulong at suportang kanyang natatanggap mula sa mga co-actor at mga direktor na Kapuso series na magsisimula sa darating na Lunes, March 15.
Sabi ni Maxine, "Yung contravida role, for me mahirap talaga, pero nandiyan yung directors, yung co-actors ko to guide me all the time.
"Actually, every scene ko, kailangan mataas ako, malditang-maldita talaga na sobrang galit.
"Talagang kailangan pa rin akong turuan ng direktor kung paano gagawin, kung paano aatakihin, which is sobrang gustung-gusto ko.
"Ay, pwede ko pa lang gawin ito, parang feeling ko all out ko na yung buong pagkatao ko."
Suportado rin ng kanyang boyfriend, na walang kinalaman sa showbiz, ang contravida role ni Maxine sa First Yaya.
Hindi pinangalanan ni Maxine ang boyfriend niyang natatawa at naninibago sa kanyang karakter.
"Natatawa siya sa akin kasi hindi talaga ako ganoon," ani Maxine.
Masaya raw si Maxine sa relasyon nila ng boyfriend niya na nirerespeto ang kanyang propesyon, space, at privacy.