Matindi man ang banta ng coronavirus pandemic sa buong mundo, tuloy na tuloy sa Lunes, March 15, 2021, ang biyahe sa Romania ng character actor na si Soliman Cruz.
Si Soliman ang personal choice ng Romanian director na si Mihai Mincan para magbida sa To The North (working title), ang pelikula tungkol sa Romanian stowaway sa isang transatlantic ship.
Gagampanan ng 54-year-old star ang role ng isang religious Filipino sailor at ang German-Romanian actor na si Niko Becker ang young stowaway sa movie project na may 29 shooting days at kukunan ang mga eksena sa ports ng Romania at Greece.

Si Ferdy Lapuz na manager ni Soliman ang nagkuwento sa Cabinet Files na napili ang talent niya bilang bida sa To The North dahil napanood ni Mincan ang performance ni Soliman bilang Wakwak sa Norte: Hangganan ng Kasaysayan, ang 2013 movie ng award-winning director na si Lav Diaz.
Nabasa rin ni Mincan ang interesting CNN Philippines article tungkol sa makulay na life story ni Soliman na isinulat ni Shirin Bhandari noong April 2018.
Matatandaang nagpalabuy-laboy sa Roxas Boulevard noon si Sol, at na-feature sa iba't ibang shows. Sa artikulo ni Bhandari, binanggit na, "His time spent homeless on the boulevard was by choice to further his craft."
Dito rin sinabi ni Soliman na, "Addiction is a disease," pero at the time of the interview ay napagtagumpayan na niya ang laban sa ipinagbabawal na gamot.

Tila may suwerte ang character actor sa mga project na may pamagat na Norte dahil ito ang naging instrumento sa pagpili sa kanya ni Mincan para maging lead actor ng To The North.
Sinunggaban agad nina Ferdy at Soliman ang alok ni Mincan dahil para sa kanila, bihirang-bihira na dumating ang magandang proyekto, lalo na sa panahon ng pandemya.
"Alam mo naman bihira ang offer na ganito. Upon the offer, no questions asked kahit talent fee o role, tinanggap namin. Hindi namin ine-expect na bida siya,“ ani Ferdy nang makausap siya ng Cabinet Files kagabi, March 13, 2021.
Walang masyadong paghahanda si Soliman para sa role niya sa To The North dahil madalas ang komunikasyon nila ni Mincan.
Kung may inaalala man ang aktor, ito ay ang matagal na mawawalay siya sa kanyang dalawang anak na babae na mahal na mahal niya.

Halos tatlong buwan na mawawala si Soliman dahil aalis ito sa Pilipinas sa March 15 at babalik siya sa bansa sa unang linggo ng June 2021.