Ang fit na pangangatawan at ang positive aura ni Mark Anthony Fernandez ang napansin ng mga imbitado sa virtual presscon ng Biyernes Santo, ang thriller-horror movie na Holy Week presentation ng Viva Films, ngayong Miyerkules, March 17.
Sinabi ni Mark na forty pounds na ang nababawas sa kanyang timbang.
maliban sa constant workout, walang ibang sikreto ang kanyang pagpayat.
Ibinahagi ni Mark na walang patlang ang kanyang exercise mula nang makalaya siya sa Angeles City Jail sa San Fernando, Pampanga, noong December 2017.
Nakulong si Mark sa nabanggit na piitan noong October 2016 dahil nahuli sa kanyang pag-iingat ang isang kilo ng marijuana.
“Forty pounds na ang natatanggal sa akin. Mag-e-eight hundred days na akong nagwo-workout, dire-diretso mula noong nakalaya ako kasi umabot sa punto na ayaw akong pag-ensayuhin.
“Actually pwede ko nga silang idemanda noon, e, na ayaw nila akong pag-workout-in sa loob ng kulungan nung time na ‘yon, pero hindi ko ginawa dahil mababait naman Yung ibang tao doon.”
Bukod sa walang tigil na exercise, sinabi ni Mark na may kinalaman din ang Panginoong Diyos sa pagpayat niya dahil sa kanyang mga dasal.
“Mag-e-eight hundred days na akong nagwo-workout mula noong nakalaya ako. Natitigil lang kapag merong trabaho.
"So, sa awa ng Diyos, kasi ako talaga bilang artista, pakiramdam ko walang dating ako kapag hindi proper yung weight ko.
“Umabot pa sa punto na kailangan ko pang ipagdasal yung weight ko, 'Lord, sana ibalik mo yung figure ko.' Buti na lang, answered prayers, salamat kay God,” sabi ni Mark.
Nakakapanibago ang transformation ni Mark dahil madasalin at seryosong-seryoso na siya sa kanyang propesyon.
Ironically, isang anghel na Michael ang pangalan na bumaba sa lupa para tumulong na puksain ang kasamaan sa mundo ang karakter ni Mark sa Biyernes Santo.
Ang direktor ng Biyernes Santo na si Pedring Santos ang nagsabing Holy Week nang mangyari ang kuwento ng pelikula habang ginugunita ang pagkamatay ng Diyos sa araw ng Biyernes.
Mapapanood ang Biyernes Santos sa streaming site na VivaMax simula sa March 26.