Limang taon na ang nakararaan mula nang lumabas si Prince Stefan sa isang programa ng GMA-7.
Kaya nagpapasalamat siya dahil sa guesting niya sa two-part episode (March 20 at March 27) ng Tadhana, ang Saturday afternoon drama anthology ni Marian Rivera sa Kapuso Network.
Nagsimula ang showbiz career ni Prince nang sumali siya at manalong First Prince sa StarStruck: The Next Level, ang talent search program ng GMA-7 noong 2007.
Contract star si Prince ng GMA Artist Center mula 2007.
Ang paglipat niya sa Viva Artists Agency noong 2015 ang rason kaya regular siyang napanood sa mga shows ng ABS-CBN.
Kahit hindi na siya Kapuso, tumatanaw si Prince ng malaking utang na loob sa kanyang dating home network dahil dito nag-umpisang matupad ang karamihan sa mga pangarap niya.
Higit sa lahat, nagpapasalamat si Prince dahil sa gitna ng coronavirus pandemic, muli siyang pinagkatiwalaan at binigyan ng proyekto ng GMA-7 management.
“I am very grateful na despite na lumipat ako noon ng network, binigyan pa rin ako ng chance and opportunity again ng Kapuso Network,” sabi ni Prince.
Maligayang-maligaya si Prince dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nakatrabaho niya sa "Bekiry" episode ng Tadhana ang multi-awarded actress na si Jaclyn Jose.
Sina Prince at Alchris Galura ang gumanap na gay sons ni Jaclyn sa "Bekiry," na kinagigiliwan ang TV plug dahil sa mga nakakatawang eksena.

Kinabahan si Prince nang malaman nitong si Jaclyn ang gaganap na ina nila ni Alchris dahil alam niya kung gaano kahusay ang aktres.
Sabi ni Prince, “To be honest, na-intimidate ako dahil award-winning actress at legend na si Ms. Jaclyn.
"At the same time, grateful ako and feeling blessed to be working with someone like her na talagang nirerespeto at dekalidad ang talent sa pag-arte.
“But we got along sa set. We tried our best para hindi siya mahirapan sa amin.”
Kapatid din nina Prince at Alchris sa istorya si Nikki Co.
GAY ROLES
November 2016 nang aminin ni Prince ang kanyang tunay na sexual orientation.
Mula noon, mga gay role ang alok na natatanggap at ginagampanan niya sa mga teleserye at pelikula.
Kahit gay sa tunay na buhay, ayaw ni Prince na ma-typecast sa mga gay character dahil nangangarap din siyang muling magampanan ang mga papel na binibigyang-buhay niya noong sikreto pa sa publiko ang kanyang pagkatao.
“Wala akong limitations, I can do it all naman, pero ayoko rin ma-stuck sa gay characters,” ani Prince, na umaasang mabibigyan siya ng ibang mga challenging role.