Hindi pinangalanan ni Senator Pacquiao si Senator Panfilo Lacson, pero may sagot ang boxing champ sa isyung plano niyang kumandidato bilang Pangulo ng Pilipinas sa May 9, 2022 elections.
Kinumpirma ni Ping Lacson ang presidential ambition ng Pambansang Kamao sa panayam sa kanya ni Karen Davila ng Headstart nitong Biyernes ng umaga, March 19.
Ikinuwento ni Lacson na dalawa o tatlong beses siyang nilapitan ni Pacquiao noong nakaraang taon para kausapin tungkol sa balak ng huli na pagtakbo para sa pagka-pangulo.
"Sinabi naman niya and he’s quite open about it. Although ayaw niyang pag-usapan because of COVID.
"In fairness to him, consistent naman siya na COVID na muna tayo, wag muna yung politika," rebelasyon ni Lacson sa Headstart ng ANC.
Bukod sa hindi pagbanggit sa pangalan ni Lacson, hindi pinabulaanan ni Pacquiao ang sinabi ng seatmate niya sa Senado.
Pero may pahiwatig sa pananalita ng boxing champ na ang sarili ang tinutukoy nito sa video recorded statement na kanyang inilabas nitong Biyernes ng hapon, March 19.
“Ang pagiging presidente ay destiny na kaloob ng Panginoon.
"Marami nang nangarap, marami na rin nabigo, ngunit ang hangad ko sa susunod na Presidente ay may tunay na malasakit at tunay na pagmamahal sa mamamayang Pilipino.
"Tigilan na natin ang kulay pulitika. Wala nang dilaw, wala nang pula, wala nang orange.
"Anuman ang kulay mo, maawa naman kayo sa Sambayanang Pilipino," apela ni Pacquiao, na red polo ang suot sa kanyang videotaped message.
Pangalawa lamang si Lacson sa mga nagkuwento tungkol sa presidential aspiration ni Pacquiao.
Noong June 2020, ang international boxing promoter na si Bob Arum ang naunang nagsalita na kakandidatong presidente ng Pilipinas sa May 2022 ang Pambansang Kamao.
Ikinuwento ni Arum na nag-usap sila ni Pacquiao sa pamamagitan ng Zoom conference.
Dito raw sinabi ng Filipino boxing champ na, "Bob, I’m gonna run in 2022 and when I win, I want you there at my inauguration."