Hindi na magsasalita si Mark Anthony Fernandez tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan—ang pagpapaturok niya ng COVID 19 vaccine na naging isang malaking usapin.
Pero may isyu siyang gustong linawin.
Nababasa ni Mark ang lahat ng mga komento tungkol sa kanyang pagkatao kaya gusto niyang ituwid ang diumano’y maling akala ng publiko na drug addict siya.
"Ginagawa nilang joke na drug addict ako.
"Akala yata nila addict ako, e, never naman akong naging addict.
"Yung akin, juvenile case, tapos family problems and experimental," malumanay na pahayag ni Mark sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files.
May pakiusap ang aktor sa mga taong humuhusga at ginagawa siyang katatawanan.
Aniya, "Pakilinaw lang, hindi po ako naging addict ever, never.
"Pakiusap ko lang, sana please, pakitanggal na yung stigma na naging addict ako dati.
"Yung case ko noong 2016, it was a weed case, it’s about medical marijuana."
Ang tinutukoy ni Mark ay ang pagkahuli at pagkabilanggo niya dahil sa natagpuang isang kilong marijuana sa loob ng kanyang sasakyan sa isang checkpoint sa Angeles, Pampanga.
Pagpapatuloy niya, "Noong araw, nung na-rehab ako noong 1999, it was experimental. Minsan lang ako humawak.
"Matagal na akong nagbagong-buhay. Siyempre, naging astray ako, pero hindi dahil sa drugs, dahil sa family problems.
"Meron kaming hindi pagkakasunduan ng papa ko, pero nagmamahalan kami, ganoon din ang mama ko.
"Yun ang gusto kong linawin. Hindi talaga ako naging addict."
Si Mark ay anak ng yumaong aktor na si Rudy Fernandez sa actress-politician na si Alma Moreno.
Umaasa si Mark na mauunawaan ng publiko ang kanyang katayuan at pinanggagalingan ng pahayag niya.
MARK'S EARLY COVID VACCINATION
Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III sa isang televised briefing na walang silang nakikitang pananagutan si Mark sa kontrobersiyal na pagpapaturok nito ng AstraZeneca COVID vaccine, na kinukuwestiyon dahil hindi medical frontliner ang aktor.
"Yung mga sumingit, kagaya po ni Mark Anthony Fernandez na wala sa priority list pero nakasingit, wala po kaming nakikitang potential liability.
"So, mukhang makakalusot siya kung wala kaming makikitang liability," sabi ni Densing, na kumonsulta sa legal experts tungkol sa kaso ni Mark.
Postscript: Nangyari ngayong hapon, March 25, ang pakikipag-usap ng Cabinet Files kay Mark, na nananatiling kalmado sa gitna ng mga batikos na kanyang natatanggap.
Bago pa siya nasangkot sa COVID vaccine controversy, ilang araw nang visible si Mark dahil masipag siya sa pagpo-promote ng Biyernes Santo, ang suspense-thriller movie na pinagbibidahan nila nina Gardo Versoza at Ella Cruz.
Magsisimula ang streaming nito sa VivaMax bukas, March 26.
Ayon kay Mark, iniisip na lang niya na nakatakdang mangyari ang lahat at, sa bandang huli, magkakaroon ito ng magandang resulta.