Hindi natuloy ang flight ng character actor na si Soliman Cruz sa Romania noong March 15, 2021.
Nagkaroon ng problema sa kanyang visa kaya naiwan siya ng eroplano na sasakyan niya.
Matinding tensyon ang naramdaman ni Soliman dahil hindi nito inaasahan na magkakaroon ng aberya sa kanyang paglipad patungo sa Romania, ang location ng To The North, ang international movie na pagbibidahan niya.
“Hindi ako nakasakay ng Monday, March 15. Naiwan ako ng eroplano,” ang sabi ni Soliman nang makausap siya ng Cabinet Files sa pamamagitan ng Facebook messenger video call.
“May problema sa visa ko 'tapos tumawag pa yung producer namin sa airline [office], tumawag pa sa embassy, kailangan tawagan yung patrol borders sa Romania. Kumain nang kumain ng oras.
"Pagdating ko sa immigration, dalawang beses ako na ininterbyu pero kung isang beses lang ako ininterbyu, makakasakay ako ng eroplano.
"Grabeng stress, tumaas na yung boses ko,” ang kuwento ni Soliman na hindi napigilan na matawa dahil sa kanyang stressful experience.
Magsisimula sa April 5 ang shooting ng To The North pero nag-umpisa na ang dalawang linggongt rehearsals ni Soliman at ng kanyang co-actors sa hotel na tinutuluyan nila sa Bucharest, ang capital ng Romania.
“Yung mga tao dito, nagsusuot din ng facemask. Yung bars at restaurants, walang kumakain o umiinom sa loob. Lahat, sa labas,” ang obserbasyon ni Soliman sa unang beses na pagpunta niya sa Romania, bago siya nagkuwento tungkol sa pelikulang kanyang gagawin.
“Broken English, merong Español 'tsaka Tagalog ang dialogue ko sa To The North.
“Ang location namin, barko lang talaga. Ngayon kasi, napakamahal na magrenta ng isang barko kaya pupunta kami sa ibang bayan sa Monday [March 29].
“Nag-set up sila ng set at dito kukunan ang lahat ng mga eksena sa ilalim ng barko. Yung mga eksena sa ibabaw ng barko, sa Greece ang shooting.
"Magsisimula ang shooting namin sa start April 5, after Holy Week dahil nirerespeto nila yung pagiging Katoliko namin.”
LEAD STAR AT 58
Ano ang reaksyon ni Soliman at kanyang mga inaasahan sa pagbibida sa isang international movie sa edad na 58?
“Siyempre masaya, pero may isa pang pakiramdam na walang salita na puwede kong sabihin. Higit pa sa saya. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin.
“Kailan ko lang nalaman na ako ang magbibida sa pelikulang ito. Alam mo naman, supporting actor ako, palaging bahagi ng ensemble, support ng lead.
“Nung nasa airport ako sa Manila, may lumapit sa akin na seaman, papunta siya sa Germany.
"Sabi niya, ‘Nabasa ko po na may gagawin kayong pelikula at kayo ang magbibida. Ire-represent mo kami sa pelikulang ‘yan, maraming salamat.’
“Kung kakausapin ko ang bayan, ako’y naririto para magrepresenta ng mga marinero ng ating bansa at ako’y nagpapasalamat na ako yung napili na bida.
“Nagkaroon ng lockdown pero nandito pa rin ako, nandito pa rin yung responsibilidad na i-represent ko ang mga marinero ng ating bayan.
“Wala sa utak ko na magbibida ako. Bahagi ako ng ensemble, yun palagi ang mindset ko.
"Kasi kung ilalagay ko sa isip ko na ako ang bida, magiging bagahe sa utak ko. Baka maapektuhan yung aking pagganap.
"Kung bahagi ako ng ensemble, madali kong magagampanan na walang bagahe sa utak ko.
“Ang ginagawa ko, one day at a time. Ang preparation ko, one sequence at a time.
“Ang expectation ko, kaming mga aktor, magkaroon na ng cohesiveness, meron kasi sa cast na French, Bulgarian, Romanian, Taiwanese, Filipino.
“Almost eighty percent of the film, kasama ako. So ako rin yung inaasahan ng direktor.
"May mga bulong siya sa akin, lalo na sa mga batang aktor. Sabi niya, do these things for this actor to react.”
SURVIVING HIS "SICKNESS"
Malaking balita noong March 2014 ang pagiging palaboy ni Soliman at ang paninirahan nito sa Roxas Boulevard. Isang pagsubok na kanyang nalampasan at napagtagumpayan.
Hindi inililihim ni Soliman ang isang malungkot na bahagi ng kanyang buhay na resulta ng drug addiction na itinuturing niyang sakit.
“Nagkasakit ako, yung tinatawag ko na addiction. Yung struggle ko, winawasak niya ako.
“Yung pagiging homeless ko noon, it was drug-induced. Nakakarinig na ako ng mga boses pero hindi ako binitawan ng mga kaibigan.
“Hindi sila bumitaw sa paniniwala sa akin, yung aking mga kaibigan, magulang, mga kapatid ko. Para sa akin, sila yung highlight ng buhay ko.
“Grabe yung hirap noon ng mga tao na nakapaligid sa akin,” ani Soliman na pinagsisihan ang kanyang mga pagkakamali noon.
“Maraming pagsisisi. Kailangan mong sabihin kaagad ang mga nasa isip mo sa mga tao, bago ka matulog, hindi mo babaunin... Bakit hindi ko nasabi? Bakit hindi ko nagawa?
“Sa ngayon sa edad ko, sinesentro ko na yung aking mga gawain sa pagpapasaya ng aking pamilya, ng aking nanay na sobrang hirap ang dinanas sa akin.”
Matagal na mananatili si Soliman sa Romania para sa shooting ng To The North.
Nakatakda siyang bumalik sa Pilipinas sa June 12 at kahit malayo sa kanyang pamilya, hindi pa nakakaranas si Soliman ng homesickness.
Nagpapasalamat ang mahusay na character actor sa modern technology dahil regular silang nagkakausap at nagkikita sa video call ng kanyang dalawang anak na babae at ng pinakamamahal niyang 88-year-old mother.