Walang ibinigay na dahilan ang American comedian at TV host na si Steve Harvey tungkol sa kawalan niya ng partisipasyon sa 69th Miss Universe na magaganap sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino, Hollywood, Florida, sa May 16 (May 17 ng umaga sa Pilipinas).
Pero tiniyak niyang magbabalik siya bilang host ng nasabing beauty pageant sa 70th edition nito sa 2022.
“I’ll miss you guys but I’ll see you for the 70th,” short statement ni Steve para sa mga nagtatanong at nagtataka.
Sina Mario Lopez at Miss Universe 2012 Olivia Culpo ang mga papalit kay Steve bilang mga host ng Miss Universe 2020.
Nagsimula noong December 2015 ang hosting stint ni Steve para sa Miss Universe.
Naging kontrobersiyal ito dahil nagkamali siya sa announcement ng winner. Ang pangalan ni Miss Colombia Ariadna Gutierrez ang sinabi ni Steve na nanalo, pero binawi niya dahil si Miss Philippines Pia Wurtzbach ang tunay na nagwagi.

Ang pinag-usapan sa buong mundo na insidente ang dahilan kaya naging popular at napalapit si Steve sa puso ng mga Pilipino, na nagpahayag naman ng kalungkutan nang malamang hindi siya ang host ng 69th Miss Universe.
Ang karanasan niya noong Miss Universe 2015 ang itinuturing ni Steve na pinakamalaking pagkakamaling nagawa niya sa kasaysayan ng kanyang hosting career. Pero nagpatuloy siya bilang host ng Miss Universe hanggang 2019.
Incidentally, si Culpo ang isa sa mga hurado sa coronation night ng 64th Miss Universe, at isa siya sa mga bumoto kay Pia para manalo.
Samantalang ang 69th Miss Universe ang pangalawang hosting job ni Lopez para sa Miss Universe Organization. Ang una ay noong May 2007.
Hindi rin siya baguhan bilang host ng isang beauty pageant dahil siya ang emcee ng Miss America noong 2007, 2009, at 2010.