Nagsanga-sanga na ang mga isyu tungkol sa community pantry na binuksan ni Angel Locsin sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, para sa kanyang 36th birthday ngayong April 23, 2021.
Isang lalake ang binawian ng buhay, ang 67-year-old na si Rolando dela Cruz, na nawalan ng malay habang nakapila at dead on arrival nang dalhin sa East Avenue Medical Center.
Pero hindi sinisisi ng kanyang pamilya si Angel dahil walang may kagustuhan sa nangyari.
Nakunan naman ng video ang pag-aabot ni Angel ng pera sa isang taong napagkamalang empleyado ng GMA-7 kaya naglabas ng paglilinaw ang Kapuso Network management tungkol dito.
Pahayag ng GMA Network: "Kaugnay po ng community pantry na itinayo ni Angel Locsin, meron pong mga nag-post sa social media ng larawan at video ng aktres na may iniabot sa isang lalaking may ID lanyard ng GMA Network.
"Ang nasabing lalaki ay hindi po bahagi ng GMA News and Public Affairs coverage team.
"Siya po ay isang talent make-up artist ng isang programa ng GMA. Wala pong koneksyon ang GMA sa kaniyang pagpunta sa lugar.
"Kinumpirma ng fiancé ni Angel sa isang post na ang lalaki ay dating make-up artist ni Angel nang si Angel ay nasa GMA pa."
Si Neil Arce ang fiancé ni Angel at itinuwid din niya sa kanyang Facebook post ang maling akala ng publiko.
"People are claiming inabutan daw ni Angel yung reporter. Make up artist po niya yun sa GMA. Where do these people get their news?” nagtatakang tanong ni Neil.
Magkatugma ang paliwanag ng GMA Network at ni Neil dahil totoong talent make-up artist at hindi staff ng GMA News si Vandam Loverita, na nakunan ng video nang abutan siya ni Angel ng ayuda.
Matagal nang talent make-up artist si Vandam sa ilang mga programa ng GMA-7.