Ang 17-year-old na si Jehramae Trangia ng Talisay City, Cebu, ang itinanghal na Grand Superstar sa Final Concert ng Season 2 ng Born to Be a Star na naganap at napanood ngayong gabi sa TV5.
Isang milyong piso at management at recording contract mula sa Viva Management ang mga premyo na natanggap ni Jehramae na napaiyak sa sobrang kaligayahan.
First runner-up sa Born to Be a Star ang 15-year-old na si Hans Paronda ng Antipolo City at second runner-up ang 18-year old na si Jannah Faye Bocatiya ng Manila.
Fifty thousand pesos ang cash prize na matatanggap ni Hans at P25,000 ang premyo ni Jannah.
Gaya ni Jehramae, may management at recording contract sina Hans at Jannah mula sa Viva Management.
“Nagsimula po akong kumanta noong ako ay 7 years old pa po at ang mom ko po ang nag-influence sa akin na kumanta.
“Siya po ang nagpu-push sa akin na sumali sa mga workshop at ngayong nandito na po ako sa Born to Be a Star, malaking stepping stone po ito sa aking singing career, sa aking journey," ang sabi ni Jehramae.
Naniniwala si Jehramae na “good things take time” dahil naranasan na niya na sumali noon sa "Tawag ng Tanghalan" ng It’s Showtime at sa Idol Philippines bago siya nanalo sa Born to Be a Star.
“Maraming beses akong natalo at nadapa pero hindi ako sumuko sa aking pangarap. I may have questioned my worth and my talent but I never gave up.
“Everything happens for a reason, God gave me the perfect timing para makamit ang aking pangarap.
“I want to thank God for giving me this talent and for giving me the strength to reach my dreams.
"Gusto ko rin pasalamatan ang aking family, friends and relatives dahil hindi sila sumukong maniwala sa akin at sa aking talent,” ang reaksyon ni Jehramae tungkol sa kanyang tagumpay sa Born to Be a Star.