Naganap ang digital conference ng Viva Records para sa "Pangmalakasan," ang bagong single ni Janno Gibbs ngayong Miyerkules ng hapon, May 19.
Naging maingat ang entertainment press sa mga tanong nila kay Janno kaya ito pa ang nagsabi ng "Masyadong mabait yung mga tanong. Wala bang mga intriga?"
Ang hamon ni Janno ang dahilan kaya napag-usapan ang away nila ni KitKat noong February 2021.
Ito ang nagsilbing mitsa para kapwa sila matanggal bilang mga host ng Happy Time, ang noontime show ng Net25.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkuwento si Janno sa entertainment writers tungkol sa kanyang pagsusumikap para magkasundo sila ni KitKat pero binalewala raw ito ng comedienne-host.
Sabi ni Janno, “Hindi ko na ikukuwento yung nangyari. Hayaan mo na ‘yon, tapos na ‘yon.
“The sad thing about it was binigyan kaming dalawa ng chance na makabalik ng Net25. Ang kundisyon lang ay magbati kami nang kusa.
“Idinaan ko sa manager ni Kitkat, mga dalawang linggo kong niligawan. Sabi ko, 'Sa akin wala na yun. Forgotten na ‘yon, let’s work together again.
“Wala, e. Ayaw na niya, e, so hindi na kami nakabalik.
"Yun lang ang malungkot kasi I love the show. Kasama ko pa naman best friend ko, si Anjo [Yllana].
“Honestly, personally, wala na sa akin yun. Ako naman, e, hindi nagtatanim ng sama ng loob.”
Handa raw si Janno na muling makatrabaho si Kitkat dahil hindi umano siya nagkikimkim ng galit laban sa kapwa.
JANNO gibbs, PROFESSIONAL NA?
Nang mapag-usapan ang mga karanasan niya sa panahon ng coronavirus pandemic, ibinida ni Janno ang kanyang professionalism dahil maaga na raw siyang dumarating sa mga commitement niya.
"Hindi na ako nale-late ngayon," pagmamalaki niya.
"Ever since I started with Viva kasi, nung time na nag-sign up ako sa Viva Artists Agency [October 2018], I came from a long vacation of no work na hindi ko naman choice.
"Talagang wala lang pumapasok na work so for that, I feel Viva saved me, yung career ko.
“I think I owe them, nahiya naman ako, I had to make myself professional. Simula nang pumasok ako sa kanila, hindi ako nale-late sa shooting.”
"PANGMALAKASAN"
Ang recording ng "Pangmalakasan" ang isa sa mga pinagkaabalahan ni Janno sa panahon ng pandemya.
Umaasa siyang tulad ng kanyang 2004 hit song na "Pinakamagandang Lalaki" ay magugustuhan din ng publiko ang bagong single niya sa Viva Records.
“I’m hoping na makuha ng 'Pangmalakasan' yung pakiramdam ng 'Pinakamagandang Lalake' na mayabang pero in a playful manner.
"Isang habol ko, yung tunog, medyo funky. Gusto kong ibalik.
“Ang artwork at cover [ng 'Pangmalakasan'], gawa ng bunso ko, si Gabby, yung bunso ko. Binigyan ko na lang ng Lyka gems [as talent fee].
“Even before 'Pangmalakasan,' kapag meron akong mga kailangan na artwork, either of the two, si Alyssa or si Gabby, can do the artwork for me. Very creative yung dalawa at very techie."
“Medyo mahirap ngayon ang pictorial because of the pandemic so we had to work with an existing picture of mine.
"I gave her an existing picture tapos siya na nag-ayos nang lahat," may pagmamalaking kuwento ni Janno tungkol sa partisipasyon ng kanyang anak na bunso sa "Pangmalakasan."