“HowHow” ang term of endearment ni Luis Manzano sa kanyang misis na si Jessy Mendiola.
Pero walang gaanong nakakaalam ng kuwento tungkol sa pinanggalingan ng tawag ng TV host-actor sa misis niya.
Nagkaroon ng kasagutan ang tanong nang matiyempuhan ng Cabinet Files ang Facebook Live ni Luis nitong Miyerkules ng hapon, May 19, dahil sa imbitasyon niya sa viewers na magtanong sa kanya.
Gaya nang dati, naging generous si Luis dahil sinagot niya ang aming tanong tungkol sa origin ng HowHow.
Lahad niya, “Ang pinagsimulan ng HowHow ay baby talk kasi ma-baby talk akong tao.
“Parang magkasama yata kami ni Jessy, tapos may narinig kaming pusa sa labas… 'meow… meow.' Parang gumanoon yata.
"So, parang ginaya ko, 'meow meow.' So, dun nagsimula ang HowHow.
"Yun ang pagkakaalaala ko, nagsimula ‘yon sa pusa."
LUIS ON POLITICS
Sinagot din ni Luis ang mga nagtanong tungkol sa posibilidad na pagpasok niya sa mundo ng pulitika dahil sa nalalapit na eleksyon sa May 2022.
Sa tuwing magaganap ang halalan sa Pilipinas, hindi nawawala ang pangalan ni Luis sa listahan ng mga artistang napaghihinalaang kakandidato pero hindi naman nangyayari.
Ngayong hapon, nag-iwan ng malaking question mark ang mga sagot ni Luis tungkol sa political plans nito dahil sa mga makahulugang salitang binitawan niya.
Saad niya, “Wala pa! Pero malay natin, nakikita ko baka naman nasa horizon ang pagiging isang pulitiko dahil naniniwala nga akong lahat tayo meron tayong obligation o responsibility to serve, we have different capacities.
“Puwedeng from a simple act of service or puwedeng through public service talaga.
"Para sa akin, hindi ko isinasara ang pinto ko sa pulitika.
"Pero ang tanong, ito ang pinakamagandang tanong: kung sakali bang tumakbo ako, iboboto niyo ba ako?
"May tiwala ba kayo sa akin pagdating sa boto ninyo? Yun ang pinakamagandang katanungan."
Nagpasalamat si Luis sa Facebook live viewers nang makita niyang marami ang nagpahayag ng kagustuhang kumandidato siya sa papalapit na eleksyon.
“Thank you very much, so far maraming nagtitiwala naman sa akin pagdating sa public service."
Muli niyang tanong: "Gusto niyo ba?
"Ang filing ng candidacy is October, kung hindi ako nagkakamali. October, puwedeng-puwede pang humabol kung sakali man.
"Tingnan natin kung tatakbo ako. Tingnan natin kung anong posisyon,” ani Luis, na nagsabi ring ipagdarasal niya ang kanyang pagtakbo.