Ang pagbubulgar ni Miss Universe Bulgaria Radinela Chusheva na hindi karapat-dapat manalong Miss Universe 2020 si Andrea Meza ng Mexico ang puno’t dulo ng mga batikos na natatanggap niya mula sa mga tagasuporta ng Mexican beauty queen.
Kaliwa’t kanan ang mga panlalait at panghuhusga kay Radinela, pero tila hindi ito apektado.
Naranasan na kasi niyang maging biktima ng bashing nang italaga siya noong October 2019 bilang kinatawan ng Bulgaria sa 69th Miss Universe.
"Binili" ng kanyang boyfriend ang Miss Universe Bulgaria crown at title niya, ang pagiging retokada ng mukha at katawan ang ilan sa masasakit na paratang na tinanggap ni Radinela mula sa sariling mga kababayang hindi boto na siya ang ipadala ng kanilang bansa sa 69th Miss Universe.
Ang bintang na nagbayad ang kanyang boyfriend para siya ang i-appoint na Miss Universe Bulgaria ang isyung tanging sinagot ni Radinela.
Nanindigan ang beauty queen na wala siyang karelasyon.
Hindi naman niya pinatulan ang mga akusasyon tungkol sa diumano’y pagpaparetoke niya ng mukha at katawan.
Sa halip, inilabas ni Radinela sa social media ang mga sexy pictorial na ginamit niya na pang-inis sa kanyang detractors.
Apparently, sanay na si Radinela sa bashing kaya hindi niya binibigyan ng pansin ang mga nagagalit na supporters ni Andrea.
Kung may mga bumabatikos kay Radinela, marami naman ang nagmamahal sa kanya—partikular na ang mga Pilipino at Thai—na natuwa sa sinabi ng Bulgarian beauty queen na sina Rabiya Mateo ng Pilipinas at Amanda Obdam ng Thailand ang mga kandidatang pinapaboran niyang manalo ng Miss Universe crown.
RADOSTINA TODOROVA
Hindi si Radinela ang unang Bulgarian beauty pageant contender na nagpakita ng pagmamahal sa mga Pilipino.
Noong December 2015, si Miss Universe Bulgaria Radostina Todorova ang binansagang "Bestie of the Year" nang mahagip siya ng television camera na kinukumbinsing pumunta sa harap ng stage si Pia Wurtzbach bilang ito ang tunay na nanalo ng korona sa 64th Miss Universe.
Ito ay matapos nagkamali ang American host na si Steve Harvey sa pagbanggit na si Miss Colombia Ariadna Gutierrez ang nagwagi.

Ang inasal ni Radostina ang dahilan kaya naglabas noon ng artikulo ang Spot.ph na may pamagat na "This is why everyone needs a Miss Bulgaria in their life."
Hindi natapos sa 64th Miss Universe ang pagtatanggol ni Todorova kay Pia dahil noong October 2020, muling nagsalita ang former Bulgarian beauty queen tungkol sa isyu sa pamamagitan ng isang vlog.
“It’s been five years, five long years and the mess is still around and, you know, the mess is not the mistake that Steve Harvey did. It’s the tension between people. Some people, they just don’t know when to stop.
“Filipinos, they are united as ever. I watched the homecoming of Pia in the Philippines and it was huge. It’s something that made me cry. The love, the respect…I felt it when I went to the Philippines. They are that kind.
“They’re united. They’re focused on supporting their queen, uplifting her,” ilan sa mga papuri ni Radostina sa mga Pilipino na tunay na nagkakaisa sa pagsuporta sa mga Pinay candidate sa iba’t ibang mga international beauty pageant.
Mula noong December 2015 hanggang ngayon, kinikilala ng mga Pilipino ang pagkakaibigan na nagsimula at nabuo sa pagitan ng Pilipinas at Bulgaria.
Ito ay dahil sa suporta at pagmamahal na ipinakita ni Radostina sa kontrobersyal na panalo ni Pia sa 64th Miss Universe na muling naramdaman sa pahayag ni Radinela tungkol kay Rabiya.