Nasorpresa ang showbiz newcomer na si Sunshine Guimary dahil hindi niya inaasahang number one sa VivaMax ang Kaka, ang sexy na launching movie niya na prinodyus ng Viva.
Nagsimula noong May 28, 2021 ang streaming ng Kaka, at numero uno ito ngayon sa Top 10 movies ng streaming site kaya lubos ang pasasalamat ng Cebu-based sexy star.
"Sobrang saya ko po na number one ang Kaka. Maraming salamat po sa lahat ng mga nanood at tumangkilik ng Kaka sa VivaMax, “ ang sabi ni Sunshine na doble ang kaligayahan na nararamdaman dahil kahit baguhan siya, pinupuri ng film critics ang pagganap niya sa kanyang unang pelikula.
Pumapangalawa sa Kaka ang The Box, at ito ay isang patunay na malakas pa rin ang hatak ng Korean movies sa mga Pilipino.

Ang Korean superstar at popular band EXO member na si Park Chan-yeol ang bida sa inspirational movie na ito.
Tungkol sa struggling pero mahusay na singer ang kuwento ng The Box. Takot ang singer na mag-perform sa harap ng mga tao kaya kumakanta siya sa loob ng empty refrigerator box.
Sa kabila ng coronavirus pandemic, nagbukas sa mga sinehan sa South Korea ang The Box noong March 24, 2021, at tinanghal bilang number 1 sa Korea Daily Box-Office Chart dahil pinilahan sa sinehan ng moviegoers.
Out of curiosity, pinanood ng writer na ito ang The Box kaya nakita namin na bukod sa maganda ang kuwento, ang singing ability ni Park Chan-yeol ang isa sa mga dahilan ng pagkagiliw sa kanya ng mga Pinoy.
Hindi lamang ang The Box ang popular sa VivaMax viewers dahil marami rin ang nanonood sa Deliver Us From Evil, ang action-packed Korean thriller movie na tinatampukan ng award-winning actors na sina Hwang Jung-min at Lee Jung-jae.
Ang Deliver Us From Evil ang hinirang bilang isa sa Ten Best Films of the Year ng Korean Association of Film Critics Awards noong 2020.