Ipinagluluksa rin ng former sexy star na si Barbara Milano ang pagpanaw ni former President Noynoy Aquino dahil naging bahagi siya ng buhay ng dating Pangulo ng bansa.
Pumanaw si PNoy nitong Huwebes, June 24, sa edad na 61.
Sa Facebook post ni Barbara kahapon, pinasalamatan niya ang namayapang Pangulo dahil sa tulong at respeto na ibinigay nito sa kanya noong mga panahong malapit sila sa isa’t isa, sa kabila ng magkaibang estado nila sa buhay.
Mensahe ni Barbara (published as is):
"RIP Noy, Former president,
"Maraming Salamat sayo, sa binigay mo noon tulong at respeto.
"Sinu ba naman ako noon? hindi naman tayo magka estado sa buhay?
"Sinu ba naman ako noon na napaka ordinary ko tao?
"Sinu ba naman ako noon? hindi naman ako mayaman?
"Ikaw ang tao nakilala ko na napaka low-profile mo talaga. Ikaw yung tao nakilala ko na napakasimple tao.
"Ikaw para ka hindi ka anak ng dati presidente. Ikaw na kapag aalis ka isa lang bodyguard mo. na minsan ikaw pa driver.
"Ikaw na kahit dis oras ng gabi, magpadala ka ng pagkain sa tomas morato sa house ko,
"Ikaw yung inuumaga about politics ang usapan natin. Ikaw yung tao na iniisip ang mga constituents keysa sarili mo.
"Minsan sinita kita sa suot mo, diba suot mo nung isang araw yan? sabi mo favorite mo suotin polo lacoste na yun. napakasimple mo talaga!
"Maraming Salamat sayo."
NOT AN ORDINARY RELATIONSHIP
Hindi man detalyado ang pasasalamat at pamamaalam ni Barbara, mapapansin sa kanyang mensahe na hindi basta ordinaryong magkaibigan ang naging relasyon nila ni PNoy.
Taong 2000 nang mapabalitang may relasyon si Barbara kay Noynoy, na congressman noon ng second district ng lalawigan ng Tarlac.
Sa isang television interview kay Barbara noong 2002, ipinagtapat niyang naging sila ni Noynoy noong 2000 pero naghiwalay sila noong kalagitnaan ng 2001.
Nahalal si Barbara bilang konsehal ng Talavera, Nueva Ecija noong May 2004.
Dahil sa makulay na kuwento ng kanyang buhay, isinadula ito ng Magpakailanman noong November 2004.
Dondon ang pangalan ng isa sa mga karakter sa life story ni Barbara na ipinalabas ng Magpakailanman.
Si Ricardo Cepeda ang gumanap na Dondon.
Pero naniniwala ang mga nakapanood ng episode na si Noynoy ang karakter na ginampanan ni Ricardo, at pinalitan lamang ang pangalan para pangalagaan ang pribadong buhay ng mga tauhang may kinalaman sa buhay ni Barbara.
Ipinakita sa naturang episode na maalalahanin ang ugali ni Dondon, pero may commitment issues siya kaya hindi nagtatagal ang relasyon niya sa kanyang mga dating kasintahan.
Sa tunay na buhay, nagkaroon ng mga karelasyon si PNoy pero hindi nagtagal at namatay siyang binata.
WHO IS BARBARA MILANO?
Nagsimula ang acting career ni Barbara noong 1999 nang ipakilala siya sa pelikulang Favorite Subject: Sex Education ng Starlight Films, na pag-aari ng mag-asawang Wilson at Kiat Pascual.
Screen name lamang ang Barbara Milano dahil Annabel Jacobe Ramos ang tunay na pangalan ng dating sexy star.
Ang Starlight Films producer na si Kiat ang nagbigay kay Barbara ng showbiz name.
Nanggaling ito mula sa Barbara Milano, isang clothing and bag shop sa Harbour City, Hong Kong, na nagbukas noong 1991 at patuloy ang operasyon hanggang ngayon.