Siya ay umalis, siya ay bumalik.
Umalis si Senator Manny Pacquiao papuntang Los Angeles, California, kagabi, July 3.
Sisimulan na kasi niya ang training sa Wild Card Gym para sa boxing match nila ni Errol Spence Jr. na magaganap sa Las Vegas, Nevada, sa August 21, 2021.
Bago pumunta si Pacquiao sa Ninoy Aquino International Airport para sa kanyang U.S. trip, nagpatawag muna siya ng presscon via live streaming.
Ipinakita niya ang mga ebidensiyang patunay na totoo ang kanyang paratang na matindi ang katiwalian sa ilang mga departamento sa ilalim ng administrasyon ni President Rodrigo Duterte.
Alas-nuwebe ng gabi ng Sabado nang mag-take off mula sa NAIA ang eroplano na sinakyan ni Pacquiao, ang Philippine Airlines flight PR102.
Pero nagkaroon ito ng emergency landing sa Haneda Airport ng Tokyo, Japan dahil sa isang pasaherong nangailangan ng medical attention.
Hindi na dinala sa ospital sa Japan ang pasaherong binigyan ng lunas sa loob ng eroplano, pero napilitang bumalik sa Maynila ang PR102 ngayong Linggo ng tanghali, July 4.
Hanggang hatinggabi lamang kasi ng July 3 ang landing time permit ng PR102 sa international airport ng Los Angeles, California.
Muling lilipad ang PR102 papunta sa Los Angeles ngayong alas-dos ng hapon kaya makakaabot pa si Pacquiao sa pag-uumpisa ng kanyang boxing training sa Wild Card Gym sa Lunes, July 5, Los Angeles time.