Nakaligtas si Aljur Abrenica sa mga tanong tungkol sa paghihiwalay nila ni Kylie Padilla dahil sa paulit-ulit na paalaala na bawal ang mga personal na katanungan sa mga artista ng Nerisa.
Si Aljur ang leading man ni Cindy Miranda sa Nerisa, ang pelikula ng Viva Films na mapapanood sa VivaMax simula July 30.
Naganap ang virtual media conference ng Nerisa ngayong Huwebes ng hapon, July 8, ilang oras matapos pagpistahan ng netizens ang rebelasyon ni Robin Padilla na hiwalay na ang kanyang anak na si Kylie sa asawang si Aljur.
Ayon kay Robin, may third party na sangkot sa paghihiwalay ng mag-asawa.
Si Giselle Sanchez ang moderator ng mediacon ng Nerisa, at hindi lamang apat na beses ang kanyang paalalang bawal ang personal questions.
Iginalang naman ito ng imbitadong press na sanay na sa mga isyu ng showbiz couples na hindi naghihiwalay.
At dahil bawal ang mga personal na katanungan, hindi nasagot ang mga haka-hakang isang Kapamilya actress na meron nang love child at nakatrabaho ni Aljur sa isang TV series ang diumano’y dahilan ng paghihiwalay nila ni Kylie.
Ikinasal sina Aljur at Kylie noong December 11, 2018.
Walang kumuwestiyon sa rebelasyon ni Robin dahil alam nilang totoo ang sinabi nito.
Besides, si Kylie ang unang nagpahiwatig na may problema sa relasyon nila ni Aljur sa pamamagitan ng mga cryptic post noon sa kanyang social media accounts.
Isang malapit sa estranged couple ang nagsabing walang maririnig ang publiko mula kay Kylie dahil pinahahalagahan pa rin nito ang pagiging tatay ni Aljur ng kanilang dalawang anak.
February 2021 nang magsimulang maglabas si Kylie sa social media ng mga pahiwatig na may problema sa relasyon nila ni Aljur.
May 2021 nang mag-umpisa ang shooting ng Nerisa kaya walang katotohanan ang mga espekulasyong si Cindy ang third party na tinutukoy ni Robin.
Nagmalisya lang ang mga tao na baka si Cindy ang mystery woman na ugat ng paghihiwalay nina Kylie at Aljur dahil sa mga heart emoji at likes nito sa Instagram post ng leading lady niya sa Nerisa.