May romantic anecdote ang ina ni Yam Concepcion na si Mrs. Bebs Concepcion tungkol sa civil wedding ng kanyang anak kay Miguel CuUnjieng na naganap sa New York City noong Sabado, July 24 (July 25, Linggo, sa Pilipinas).
Lahad ng ina ng Kapamilya actress, “Noong 2015, may ibinigay si Miguel kay Yam na white envelope na naka-sealed.
“Sinabi ni Miguel kay Yam na huwag nitong buksan ang envelope hangga’t hindi niya sinasabi.
“Nang ikasal sila kanina, nagulat si Yam dahil binasa ni Miguel ang laman ng envelope during the wedding.
“Wedding vows pala ang laman ng envelope na hindi pinabuksan sa kanya ni Miguel.
"Six years na nakatago ang sulat at binuksan lang ni Miguel nang ikasal sila ni Yam."
Ayon kay Mrs. Concepcion, walang significance sa buhay ng kanyang anak at ni Miguel ang petsang July 24 dahil ito lang ang pinili ng dalawa bilang araw ng kanilang pag-iisang-dibdib.
Hindi na bumiyahe sa Amerika ang nanay ni Yam para saksihan ang civil wedding ng 33-year-old actress. Pero dumalo sa kasal ang U.S.-based grandmother ni Yam sa mother's side na si Mrs. Rose Freyschlag.
Bukod sa idinaos na civil wedding sa New York, may plano sina Yam at Miguel na magkaroon ng church wedding sa Pilipinas.
Lumipad si Yam sa Amerika noong May 2021 para sa kasal nila ni Miguel.
Hindi ito nagkaroon ng conflict sa Init Sa Magdamag dahil noong February 2021 pa natapos ang taping ng aktres para sa drama series ng ABS-CBN na pinagbibidahan nila nina Gerald Anderson at JM de Guzman.
Kahit Mrs. CuUnjieng na si Yam, ipagpapatuloy pa rin niya ang acting career.
Posibleng bumalik siya ng bansa sa early part ng 2022, maliban na lang kung may alok na magandang project na pelikula o TV series na maaaring maging dahilan para umuwi agad siya sa Pilipinas.