Nakatakda ang cremation sa mga labi ni Mahal sa isang crematorium sa Batangas ngayong Huwebes ng hapon, September 2.
Binawian ng buhay si Mahal noong August 31 dahil sa kumplikasyon sa COVID-19.
Hindi kaagad ipina-cremate ang katawan ng komedyana dahil sa hiling ng kanyang kapatid na pulis, si P/Lt. Jason Tesorero, na makita siya sa huling sandali.
Si Mahal ang panganay sa apat na magkakapatid.
U.S.-based at restaurant owner sa Cleveland, Ohio ang sumunod sa kanyang si Irene.
Pangalawa ang pulis na si Jason, at bunso ang nurse si Lany.
Si Lany ang kaagad na sumugod sa ospital sa Batangas na pinagdalhan sa kanyang ate nang malaman nilang malala na ang kalagayan ng comedienne.
Ikinuwento ni Irene sa Cabinet Files ang tungkol sa kahilingan ni Jason na masilayan nito ang kanilang Ate Mahal bago ito i-cremate.
Sa exclusive interview ng DYPR News Palawan, sinabi ni Jason na maalalahaning kapatid si Mahal.
Binansagan nga nila itong “birthday genius” dahil memoryado ng comedienne ang lahat ng kaarawan ng kanilang mga kamag-anak.
May usapan ang dalawa na ibibili ni Jason si Mahal ng lupa sa Palawan, pero hindi na ito mangyayari dahil sa maagang pagkawala ng kanyang kapatid.
VIRAL TIKTOK VIDEO
Samantala, kumakalat sa social media ang TikTok video na may pamagat na "Ang huling paghinga ni Mahal."
Mapapanood ditong nahihirapan sa paghinga si Mahal, at nagsabi sa kaibigan niyang si Mygz Molino na dalhin na siya sa ospital.
May motibo ang source ng TikTok videos na linlangin ang publiko dahil ang naturang video ang isa sa mga prank na ginawa ni Mahal kay Mygz sa kanyang YouTube channel, labing-isang buwan na ang nakalilipas.
Importanteng malaman ng publiko na luma na ang video para hindi sila mapaniwalang kuha ito bago sumakabilang-buhay si Mahal noong August 31.
Dapat maging maingat at mapagmasid ang publiko sa mga nakikita at nababasa nila sa social media para hindi sila mabiktima ng fake news.