Gaya ni Kean Cipriano, nagtayo na rin ng sariling record label ang singer-songwriter na si Marion Aunor, ang Wild Dream Records.
Kasabay ng paglulunsad ni Marion sa Wild Dream Records ang pasyang gamitin ang kanyang tunay na pangalan, kaya inalis na ang letter E sa dating screen name niya na Marione.
Ang Wild Dream Records, na partnership nila ng Viva Records, ang katuparan ng pangarap ni Marion na magkaroon ng sariling record label at para matulungan ang mga young aspiring artist na nagnanais maging bahagi ng music industry.
Saad ni Marion, “Baby steps muna na ako yung pinaka-first artist ng Wild Dream.
“But right now, naghahanap din po ako ng mga artist that go with the vision that I have for Wild Dream records and nagde-develop din po ako on the side.
“Ang plan ko talaga is just release great music and find fresh unique sounds na puwedeng ma-offer sa OPM industry.”
BRING YOUR OWN KAMA
Ang "Kama," na siya rin ang sumulat at umawit, ang unang single ni Marion para sa Wild Dream Records.
At para maging komportable siya sa kanyang music video shoot para sa "Kama," dinala ni Marion sa Tagaytay City ang sariling kama niya.
Kuwento ni Marion, “Kama ko po talaga ‘yon. Dinala namin sa Tagaytay.
"Piece by piece, iniakyat namin sa hill. In-assemble pa namin sa top ng isang hill sa Tagaytay.
“Isinulat ko ang 'Kama' during quarantine. It’s about missing someone and wondering if they miss you back.
“Medyo pa-sultry and electronic na sound. Lumalabas po kasi minsan sa music ko ang pa-sultry side ko.
"I wanna introduce new genres sa bagong label ko, pero may hugot factor pa rin, hindi po mawawala ‘yon.”
ON MEETING SHARON CUNETA
Hindi lamang basta singer-songwriter si Marion dahil lumalabas na rin siya sa mga pelikula. Kabilang dito ang sex-comedy movie na Kaka, ang blockbuster movie ni Sharon Cuneta na Revirginized, at ang upcoming na Sarap Mong Patayin.
Hindi makapaniwala si Marion na mabibigyan siya ng pagkakataong makatrabaho sa pelikula si Sharon, na nakapag-record na ng kantang isinulat niya noong 2018.
“I love her. I love her so much.
"Actually, dati ko pa po siyang gustong ma-meet in person dahil nakapagsulat nga po ako ng kanta sa Megastar album niya.
“Yung title ng song na naisulat ko is 'Lantern.' I heard she liked it before pero never kaming nakapag-usap in person.
“Hindi ko akalain na dun pa sa movie, as part of the cast, kami magmi-meet. Parang super galing lang na ganoon ang pangyayari.
“In the middle of the scenes, nagbibigay siya ng mga advice sa amin, sa mga love life. Nagkukuwento rin siya about sa past experiences.
"So, parang nagka-form kami ng bond during the shoot."
Para sa mga hindi nakakaalam, Grammy/Recording Academy member si Marion at may master certificate course in songwriting sa Berklee College of Music sa Boston dahil sa kagustuhan niyang madagdagan ang kaalaman tungkol sa kanyang pinakamamahal na propesyon.