Inirereklamo ng loyal viewers ng action-drama series na FPJ's Ang Probinsyano na puro flashback scenes sa mga episode ng Season 9 ang napapanood sa Kapamilya Channel at TV5.
Importanteng maintindihan ng mga nagrereklamo na tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa Ilocos Sur.
Apektado nito ang taping ng cast at production crew ng Ang Probinsyano, na mahigit isang buwan nang nananatili sa naturang lalawigan kaya mga flashback scene ang natutunghayan nila sa telebisyon.
Isang kaibigan naming nagtatrabaho sa isang ospital sa Vigan, Ilocos Sur ang nagsabing hindi nakapagtatakang nakaapekto sa taping ng Ang Probinsyano ang mga kaso ng COVID-19 dahil “quadruple” ang itinaas nito.
Hindi rin umano lock-in o bubble taping ang ginagawa ng cast at production crew ng Ang Probinsyano dahil kinukunan sa labas, tulad sa Calle Crisologo at sa ibang lugar, ang mga eksena ng longest-running primetime series ni Coco Martin.
Reportedly, isang cast member ng Ang Probinsyano ang gusto nang magpaalam sa show dahil hindi na siya kumportable sa ipinatutupad na quarantine na tila nakakaapekto na sa kanyang mental health.
"TIME OUT" FOR HEALTH WORKERS
Pinatotohanan ni Dr. Jun Tagorda, presidente ng Ilocos Sur Medical Society, ang mataas na COVID-19 cases sa kanilang lalawigan.
Sa panayam sa kanya ni Noli de Castro sa Teleradyo ngayong Lunes ng umaga, September 20, sinabi ni Dr. Tagorda na humihingi ng "time out" ang mga health worker ng Ilocos Sur dahil sa matinding pagsubok na kinakaharap nila.
Pahayag niya, “Sobrang taas po ngayon. Ang problema, pati ang mga kasamahan nating health workers, tinatamaan na rin sila at kulang na ang manpower.
“Secondly, kulang na rin po ang beds sa hospitals, pati sa government and private hospitals.
"Pati po yung community isolated units o quarantine units natin, punumpuno na rin po, so humihingi po kami ng time out."
Nilinaw ni Dr. Tagorda na hindi boycott ang kahulugan ng "time out" na hinihiling ng medical workers sa Ilocos Sur.
Aniya, “Hindi ibig sabihin ay maybo-boycott kami.
"Ang hinihingi po namin sana na time out ay ilagay sa restricted o Enhanced Community Quarantine ang high-risk areas in Ilocos Sur para mapigilan ang mobility o paggalaw ng mga tao dahil ito po ang aming naiisip na dahilan kung bakit mabilis ang pagkalat ng virus.
"Ang bilis po ngayon ng pagtaas ng mga kaso."
Ang pagbubukas ng mga negosyo at pagpasada ng mga public transportation ang nakikita ni Dr. Tagorda na dahilan sa mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Ilocos Sur.
“Ang napansin namin, simula noong unti-unting nag-o-open [ang mga negosyo at public transportation], lumuluwag yung quarantine guidelines, unti-unti nang tumataas yung kaso.
"Kaya ngayon, nasa peak na po kaya nagko-collapse na po ang health system dito.
"Pati mga doktor, nurses, at ibang health workers, tinatamaan na rin po sila, nagku-quarantine at kulang-kulang na po ang health workers natin sa lahat ng pasilidad,” rebelasyon ni Dr. Tagorda.