Tiyak na ang pagbabalik sa telebisyon ng Season 2 ng Masked Singer Pilipinas sa January 29, 2022.
Ang Masked Singer Pilipinas ang reality singing competition na joint production venture ng TV5 at Viva Television.
Napanood ang Season 1 ng Philippine franchise ng South Korean TV show mula October 24, 2020 hanggang December 26, 2020.
Si Billy Crawford ang host. Mga hurado ng programa sina Aga Muhlach, Cristine Reyes, Kim Molina, at Matteo Guidicelli.
Si Daryl Ong ang grand winner ng Season 1 ng Masked Singer Pilipinas, na may sampung kalahok.
First runner-up si Katrina Velarde at si Carlyn Ocampo ang second runner-up.
Sa pagbabalik ng Masked Singer Pilipinas sa January 2022, mananatili si Billy bilang host ng show at isang bagong miyembro ng mga hurado ang ipakikilala.
Inaasahang maghahatid ng saya sa mga manonood ang mystery showbiz personality na makakasama nina Aga, Cristine, Kim, at Matteo bilang hurado dahil sanay na sanay siyang manghusga ng kapwa.
Sampung singers ang nagtagisan ng galing sa Season 1 ng reality singing competition ng Kapatid Network, samantalang labing-anim ang mystery celebrity contestants ng Season 2 kaya mas matagal na panahon itong mapapanood sa telebisyon.