Ovarian cancer ang ikinamatay ng former actress na si Janet Bordon.
Ayon ito sa kanyang nakatatandang kapatid na si Jenny Bordon Banson ng San Francisco, California.
Nakapanayam ng Cabinet Files si Jenny ngayong Biyernes ng umaga, September 24.
Siya ang nagkuwento tungkol sa mga huling sandali ng buhay ni Janet, na pumanaw sa tahanan ng anak nitong si Janina noong September 22 (September 23 ng hapon, Philippine time).
“She’s fighting ovarian cancer for thirty years, on and off.
"Binawian siya ng buhay sa bahay ng anak niya, si Janina, her 33-year-old daughter.
"Hindi na namin dinala si Janet sa hospital kasi mas gusto niya sa bahay. She already gave up herself to the Lord.
"Two days ago lang nag-worsen ang condition niya.
"Na-hospitalized pa siya, pero ang gusto niyang mangyari, sa bahay na lang siya. Humina na siya, ayaw na niyang kumain.
"When she passed away, nasa tabi niya kami. Lahat kaming magkakapatid, kumpleto, pati ang 89-year-old mother namin.
"Anim kaming magkakapatid—tatlong babae, tatlong lalake.
"Si Janet ang bunsong babae namin. Ako ang pinakapanganay sa magkakapatid, baby sister ko siya kaya mahirap…” lumuluhang kuwento ni Jenny.

Bordon sisters (Joji, Jenny, and Janet) with their mother in a photo taken last year
JANET'S LAST BIRTHDAY CELEBRATION
Noong September 16, kasama ni Janet ang kanyang buong pamilya nang magdiwang siya ng huli niyang kaarawan dahil ito ang kahilingan niya.
Ayon kay Jenny, “Yun ang wish niya, ang magsama-sama kami.
"Nag-celebrate siya sa suite ng San Jose Mansion. Nag-stay kami doon for three days.
"Okay pa siya noon, pero biglang nag-decline ang health niya nang mag-fail ang kanyang kidneys. Hindi na siya kumakain.
"Dadalhin dapat namin siya sa emergency room, pero sabi ng pamilya namin, huwag na lang, kasi ayaw na naming mahirapan pa si Janet.
“May COVID cases dito [San Francisco]. Kapag dinala siya doon [hospital], hindi na kami makakapasok.
"Hindi namin alam ang mangyayari sa kanya dahil isang tao lang ang papapasukin. Gusto namin siyang makita at makasama."
Kumusta ang mga huling sandali ng buhay ni Janet?
Sabi ng kapatid ng dating aktres, “Before that naman, sinasabi na niya ang lahat ng kanyang wishes. Na-feel namin na yung spirit niya, nandiyan talaga.
“Very peaceful siya, nakangiti ang mukha niya. Ang ganda-ganda niya.”
Nakalagak sa kasalukuyan sa Chapel by the Sea Funeral Home ang mga labi ni Janet dahil hindi pa nakakapagdesisyon ang kanyang pamilya kung ipalilibing o ipapa-cremate siya.
“Gusto namin talaga i-bury siya, pero ang kanyang anak na si Janina ang magdedesisyon. We don’t know yet,” ani Jenny.
THIRTY-YEAR BATTLE WITH CANCER
Saludong-saludo si Jenny sa ugali ng kanyang pumanaw na kapatid.
Saad niya, “Very private siya. Thirty years na nag-fight siya sa kanyang sakit.
"Ang galing niyang magdala… bilib kami sa kanya, sa fighting spirit niya.
"Hanggang in the end, lumalaban siya, kaya masakit sa loob namin na nawala yung pinaka-baby ng pamilya namin na napakabait, napakaganda."
Dagdag pa ni Jenny, “Tahimik lang siya. Ayaw niya ng mga intriga, masyadong giving.
"Kapag tinitira siya noon sa mga news, hindi siya lumalaban, kaya ako ang lumalaban para sa kanya.
“Napababalita ako noon na yung ate raw ni Janet, masyadong mataray kapag inaaway siya ng ibang mga artista. Hindi siya talaga lumalaban.”
JANET'S MOVIE CAREER
Ang movie producer na si Jesse Ejercito ang discoverer ni Janet, na winner noon sa Miss Dial Girl contest at Manila’s Five Prettiest.
Ginawa ni Jesse ang lahat ng makakaya para mapapirma niya si Janet ng kontrata noong 1977 sa kanyang movie production, ang Crown Seven Film Productions.
Lahad ni Jenny, “Si Jesse Ejercito, talagang niligawan ang papa ko para pumayag lang ito na magbida si Janet sa Ako Si Emma, Babae! Two years na niligawan ni Jesse ang papa ko.
“Si Janet, she finished her college education, Psychology, sa St. Paul’s College.
"Nag-evening classes siya para matapos dahil yun ang gusto ng papa namin."
Ang kanilang tatay rin ang dahilan kaya tinalikuran ni Janet ang showbiz noong 1988 dahil mga sexy movie na ang karamihan sa mga project na iniaalok sa kanya.
Ang Virgin People ang isa sa mga pinakakontrobersiyal na ginawa ni Janet noong 1984.
Pero makalipas ang tatlumpo’t pitong taon, may rebelasyon ang kanyang kapatid: “Mga double ‘yon. Hindi siya ‘yon.”