Ang pagtaas ng COVID-19 cases sa National Capital Region ang isa sa mga dahilan kaya hindi matutuloy ang unang plano na idaos ngayong September 25 ang grand coronation ng Miss Universe Philippines 2021.
Ilang araw lamang maaantala ang grand finals ng Miss Universe Philippines 2021 dahil magaganap ang koronasyon sa bagong mananalo sa September 30, 7 p.m., sa Henann Resort Convention Center sa Panglao, Bohol.
Sa presyong P599, live na mapapanood sa streaming site na ktx.ph ang preliminary competition ng Miss Universe Philippines 2021 bukas, September 26, at ang pagsasalin ni Rabiya Mateo ng korona nito sa kanyang successor sa darating na Huwebes.
May partisipasyon din sa coronation night ng Miss Universe Philippines 2021 ang mga runner-up ni Rabiya noong 2020.
Para sa mga hindi makakapanood sa ktx.ph ng live streaming ng coronation night ng Miss Universe Philippines 2021, may pagkakataon silang matunghayan ang delayed telecast ng contest na ipalalabas sa GMA-7 sa susunod na Linggo, October 3, 9 a.m.
Tulad noong nakaraang taon, si KC Montero uli ang host ng Miss Universe Philippines 2021.