Ang medical condition ni Jennylyn Mercado ang dahilan kaya na-pack up noong nakaraang linggo ang taping ng cast at production crew para sa Love. Die. Repeat., ang upcoming suspense-romance-drama-thriller series ng GMA-7.
Supposedly, magtatagal hanggang October 2 ang lock–in taping para sa Love. Die. Repeat. pero nahinto ito nang magkaroon ng emergency situation si Jennylyn.
Inaasahan ng mga artista at production staff ng programa na malalaman nila sa linggong ito ang desisyon ng management tungkol sa pagpapatuloy ng kanilang trabaho para sa Love. Die. Repeat.
Ten-week miniseries ito ng Kapuso Network at nakatakdang ipalabas sa first quarter ng 2022.
Sina Jennylyn at Xian Lim ang mga lead star ng Love. Die. Repeat.
Noong September 6, kapwa nag-post ang dalawa sa kanilang Instagram Stories ng video ng pagsisimula ng taping nila.
Si Irene Villamor ang direktor ng Love. Die. Repeat.
Co-stars nina Xian at Jennylyn dito sina Myrtle Sarrosa, Gardo Verzosa, at Mike Tan.
Ang Love. Die. Repeat. ang unang project ni Xian sa Kapuso Network, at follow-up project ni Jennylyn sa Philippine adaptation ng Descendants of the Sun na ipinalabas sa GMA-7 mula February 10 hanggang December 25, 2020.