Hindi homophobic si Jeric Raval pero hindi siya pabor sa same-sex marriage.
Ito ang kanyang ipinaliwanag nang tanungin siya sa tungkol sa isyu.
Malumanay ang pananalita ni Jeric nang sabihin niyang Christian siya kaya tanging ang mga nakasulat lamang sa Banal na Aklat ang kanyang sinusunod.
"Being a Christian, sorry ha, kung ano lang yung nakasulat sa Bible, yun lang ang pinaniniwalaan ko. Nakasulat kasi na bawal ang pakikiapid sa kapwa lalake.
"Kapag namatay tayo, pare-pareho tayo. Bakla ka man o lalake ka, basta kapag namatay tayong lahat, lalake pa rin tayong haharap sa Diyos, lahat tayo.
"So, yung pakikimatong sa kapwa lalake, yun, e, karumal-dumal sa paningin ng Diyos, so against ako doon," paliwanag ni Jeric.
Humingi ng pang-unawa si Jeric sa kanyang posisyon, at muling iginiit na wala siyang problema sa mga miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community.
Saad niya, "Please don’t get me wrong. I have nothing against gays.
"Actually, marami naman akong mga kaibigang mga gays. At saka, okay naman sila, masasaya na kasama.
"Pero against pa rin ako sa same sex-marriage."
ON ROLE AS A TRANSGENDER WOMAN
Kakatwa man isipin, transgender woman ang karakter na ginampanan ni Jeric sa Barumbadings, ang action-comedy movie na tinatampukan nila nina Joel Torre, Baron Geisler, at Mark Anthony Fernandez.
Nag-alinlangan si Jeric na gawin ang pelikula dahil sa takot na baka may eksena siyang nakikipaghalikan sa kapwa lalake.
Pero tinanggap niya ang proyekto nang ipaliwanag sa kanya ang karakter na bibigyang-buhay.
Sabi ni Jeric: "Noong unang inialok sa akin ang movie na yun, ang unang pumasok sa akin, gay movie, gay role. Baka mamaya, may kissing scene, hindi ko kaya yun.
"Hindi ko naman agad tinanggihan yung movie. Tinanong ko muna ang istorya at tema, flow ng istorya.
"So, nung nailatag naman yung istorya, maganda naman."

ON WEARING WOMEN'S CLOTHES
Aminado si Jeric na challenging ang gumanap na transgender woman.
Lahad niya: "Saka siyempre kinakabahan ka. First time kong mag-shoot nang ganyan, in front of many people.
"Naka-leggings ka, nakapambabae, naka-high heels. Saka hindi mo alam kung paano mo itatago yung dalawang konsehal mo, saka yung barangay chairman, so siyempre itatali mo.
"Napakahirap sa aming tatlo ‘yon."
