Nakamit na kaya nina Sonya at Frank Anthony Gregorio at ng pamilyang naulila ng dalawa ang tunay na hustisya dahil sa pagpanaw ni ex-Police Staff Sergeant Jonel Nuezca?
Si Nuezca ang killer ex-cop na brutal na pumaslang sa mag-inang Gregorio noong December 20, 2020 sa tahanan nila sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac.
Kinumpirma ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag na sumakabilang-buhay ang dating pulis kahapon, November 30, 2021.
Noong August 2021, hinatulan si Nuezca ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong dahil sa pagpatay niya kay Sonya, 52, at sa anak nitong si Frank Anthony, 25.
Sinabi ni Chaclag na Martes ng gabi, 6:44 p.m., nang ideklarang patay si Nuezca. Pero sasailalim pa rin sa autopsy ang bangkay nito para malaman ang tunay na dahilan ng kamatayan niya.
Sa ulat ng Bureau of Corrections, nawalan ng malay si Nuezca habang naglalakad ito sa labas ng dormitory building ng New Bilibid Prison na kinapipiitan niya.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang naturang ahensya para matiyak na walang foul play na nangyari.
Kinondena ng buong mundo noong nakaraang taon ang karumal-dumal na pagpaslang ni Nuezca kina Sonya at Frank Anthony dahil nakunan ito ng video at mabilis na kumalat.
Nag-ugat ang krimen sa pagpunta ni Nuezca sa tahanan ng mga Gregorio para manita dahil sa malakas na paputok. Humantong sa pagtatalo ang pag-uusap nang naungkat ang matagal nang alitan ng magkabilang-panig dahil sa right of way.
Malinaw na mapapanood sa viral video ang pagsusumamo ng mga saksi kay Nuezca na maghunos-dili. Pero point blank niyang binaril ang mag-ina matapos sumigaw ng “My father is a policeman!” ang kanyang menor de edad na anak na babae na kasama niya at nasaksihan ang buong pangyayari.
Bukod sa pagsigaw na pulis ang kanyang ama, sumali ang bata sa pananakit kay Sonya habang kinukunan niya ng video, gamit ang cellphone camera, ang nagaganap na kaguluhan.
Sa kabila ng matibay at malinaw na ebidenisya laban kay Nuezca, naghain ito ng not guilty plea sa kasong double murder na isinampa laban sa kanya.
Pero habambuhay na pagkakakulong at pagbabayad ng danyos na P952,560 sa mga naulila ng mga biktima ang hatol ni Judge Stella Marie Gandia-Asuncion ng Branch 106 ng Paniqui Tarlac Regional Trial Court.
Hindi nakumpleto ni Nuezca ang parusa sa kanya ng hukuman dahil siya naman ang binawian ng hininga, dalawampung araw bago gunitain sa December 20, 2021 ang unang anibersaryo ng walang-awang pagkitil niya sa buhay nina Sonya at Frank Anthony.