Tiyak na magiging masaya ang darating na Pasko para kay John Lloyd Cruz dahil, una, sigurado na ang pagkikita nila ng kanyang anak na si Elias.
Pangalawa, mapapanood na ang Happy ToGetHer, ang bagong sitcom niya sa GMA-7.
“Sa Pasko, magkikita kami ng anak ko ko. Magkikita kami sa Pasko, makakadalaw ako sa kanya,” pahayag ni John Lloyd sa virtual media conference ng Happy ToGetHer na kasalukuyang nagaganap ngayong maulan na Biyernes ng hapon, December 17, 2021.
Simula sa December 26, 7:40 p.m. at sa mga susunod na araw ng Linggo, mapapanood sa Kapuso Network ang Happy ToGetHer.
Maituturing na regalo ito ni John Lloyd para sa kanyang mga tagahangang sabik na hinintay ang pagbabalik niya sa entertainment industry, matapos ang halos apat na taong self-imposed showbiz hiatus.

Sa kanyang pagbabalik, isang hamon para kay John Lloyd ang mga bagong pagkakataon na natanggap niya mula sa GMA-7.
Saad niya, “Bawat bagong opportunity is a new challenge for me and, siguro, mas malaking challenge na nasa bagong bakuran tayo.
“Mas challenging kasi siyempre nangangapa kami, ang aming grupo, ang aming pamilya.
"Kaya napakasuwerte namin dahil yung assistance at paggabay sa amin ni Sir Joey [Abacan, GMA-7 executive] ay talagang hindi matatawaran.
"And yung opportunity na galing kina Ma’am Annette [Gozon-Valdes], kina Mr. [Felipe L.] Gozon, araw-araw naming ipinagpapasalamat sa bawat araw na nasa loob kami ng bubble.
“Merong opportunity na makapagtrabaho at keep on moving forward from yung current situation ng ating bansa, ng ating mundo.
"Kaya punumpuno kami ng pasasalamat and, in return, gusto naman namin ay maibalik sa audience, sa viewers ng Kapuso Network, sa buong mundo yung favor na ibinibigay sa amin ng ating mga bosses dito sa Kapuso Network.”