Apat na parangal ang tinanggap ng Regal Entertainment Inc. mula sa unang Adobo Video Festival na inorganisa ng Adobo Magazine at iprinisinta ng Facebook Watch.
Layunin nitong kilalanin ang creators at publishers sa likod ng mga orihinal at malikhaing content sa Facebook Watch.
May 83 entries na lumahok sa Creative Awards category at 83 entries sa Community Engagement Awards category.
Ang director at producer na si Quark Henares ang president ng pannel of judges.
Ginanap ang virtual awarding ceremony noong December 16.
Ito ang awards na nakamit ng Regal sa ilalim ng publishers category:
Horror - Kuwento: Haunted Forest

Film: Dalaw - Nag-aapoy na Laman

Best Social Good Video - 3 AM Research - I Will Survive

Best Entertainment - Lifestyle Video: My Rebound Girl

Lubos na nagpasalamat si Roselle Monteverde, chief operating officer at executive vice president ng Regal, sa higit six million followers ng Facebook page ng kanyang film and television production company.
"Mga movie clips ‘yan na nilagyan ng captions published 2021 on Facebook page of Regal Entertainment," paliwanag ni Roselle tungkol sa winning video entries ng Regal Entertainment.
Mapapanood din sa official Facebook page ng Regal Entertainment ang mga pelikulang may English subtitles tulad ng PreNup na pinagbidahan nina Jennylyn Mercado at Sam Milby.
Makikita rin doon ang mga short but entertaining clips ng mga classic film ng movie company na itinatag ng Regal Entertainment Inc. founder at ina ni Roselle na si Mother Lily Monteverde.
Bukod sa nakamit na awards ng Regal, ipinarating ni Roselle ang pasasalamat sa mga patuloy na tumatangkilik sa Regal Drama Presents, ang Sunday afternoon drama anthology na napapanood sa GMA-7. Na-extend ito sa Season 2 dahil sa mataas na rating ng programa.
Ipinagmamalaki rin ni Roselle na bukod sa Regal Drama Presents, may bagong partnership ang Regal Entertainment Inc. at ang GMA Network.
Ito ay ang Mano Po Legacy, ang prime-time series at opening salvo nila ng Kapuso Network para sa 2022.
Sina Barbie Forteza, David Licauco, Maricel Laxa, Sunshine Cruz, David Chua, at Boots Anson Roa ang ilan sa mga artista ng Mano Po Legacy, na matutunghayan simula sa January 3, 2022.
