Makalipas ang mahigit tatlong dekada, inamin ni Manilyn Reynes, 49, na isinulat niya para kay Janno Gibbs, 52, ang kanyang hit single na "Sayang na Sayang."
Nangyari ang rebelasyon niya sa virtual media conference ng Mang Jose, ang reunion movie nila ng singer-actor at Christmas presentation ng Vivamax.
Mismong si Janno ang nagtanong kay Manilyn, "Yung 'Sayang na Sayang' ba, isinulat para sa akin?"
"Oo" ang sagot ni Manilyn.
Sikat ang loveteam nina Janno at Manilyn noong '80s.
Sa mga hindi pa isinisilang noon, malaking balita ang breakup ng dalawa noong 1989 dahil nalaman ni Manilyn ang pakikipagrelasyon ng kanyang boyfriend kay Bing Loyzaga.
Sa recording ni Manilyn para sa "Sayang na Sayang," marami ang saksi sa wagas na pagluha niya dahil sariwang-sariwa pa ang sakit na kanyang nararamdaman na epekto ng pagwawakas ng relasyon nila ni Janno.
Pero hindi na isyu iyon lalo pa't co-star nina Manilyn at Janno si Bing sa Mang Jose.
Si Manilyn ay 25 years nang kasal kay Aljon Jimenez, habang sina Janno at Bing ay 25 years na ring kasal.
BING TEASES JANNO ABOUT HIS TARDINESS
Sa mediacon, si Bing ang nag-usisa tungkol sa reputasyon ni Janno na madalas na late sa mga tagpuan.
"Janno Gibbs, bakit lagi kang late?" walang patumpik-tumpik na tanong ni Bing.
"Hindi na ngayon, ha? Dati lang iyon," depensa ni Janno sa sarili.
"Maaga na ako ngayon. Tatanggalin ko na nga yung late sa Instagram ko."
Pinanindigan kasi ni Janno ang reputasyon nito nang gamitin niyang Instagram handle ang "@jannolategibbs."
"Noong mga panahon na iyon, alam naman ng lahat na may problema ako. May sleeping problem ako," paliwanag ni Janno.
Sabay hirit na, "Saka gusto ko lang."
Pinatotohanan naman ni Bing na malaki na ang ipinagbago ni Janno mula nang magkaroon ng pandemya dahil hindi na raw nahuhuli ang aktor sa kanyang mga appointment.
JANNO WATCHES MANG JOSE WITH FAMILY AND FRIENDS
Mapapansin ang kakaibang excitement ni Janno para sa Mang Jose dahil kahapon, December 21, 2021, nagkaroon siya ng sariling private screening para sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan sa pelikula.

Ilan sa guests niya ay sina Herbert Bautista at Dennis Padilla.

Matindi rin ang panawagan ni Janno na tangkilikin at suportahan ng Vivamax subscribers ang Mang Jose.
"Itong Mang Jose ay binuhusan po namin ng pagmamahal mula sa production hanggang sa mga artista at makikita niyo po iyon," pagmamalaki ni Janno.
"Mahahalata niyo po na binigyan namin ng puso itong Mang Jose at saka sa subscribers ng Vivamax.
"Pasko na po, tigilan niyo na iyang bold. Comedy muna, saka action.
"Mahiya naman kayo sa mga anak niyo!" pabiro pero may bahid ng katotohanan na apela ni Janno.