Ibinahagi nitong Huwebes nang gabi, December 23, ng GMA Artist Center ang teaser ng Sparkle na may caption na Sparks will fly. Abangan!
Nakalagay sa fifteen-seconder teaser ng Sparkle na magaganap ang unveiling nito sa Kapuso Countdown to 2022 sa December 31, 2021, 10:30 p.m.
Sa mga interesado na malaman ang kahalagahan ng Sparkle, ito na ang magiging bagong pangalan ng GMA Artist Center, ang talent management arm ng GMA Network Inc.
Si Johnny Manahan—o mas kilala bilang Mr. M—ang consultant ng GMA Artist Center mula pa noong July 2021.
May mga espekulasyon na siya ang may idea sa rebranding ng talent management arm ng Kapuso Network.
Sa wikang Pilipino, kislap ang kahulugan ng salitang sparkle kaya inaasahang makatutulong ang rebranding na itong GMA Artist Center para lalong magningning ang mga bituin na contract stars ng Kapuso Network.
Pinangungunahan ito nina Ai-Ai delas Alas, Alden Richards, Barbie Forteza, Derrick Monasterio, Pokwang, Rocco Nacino, Ruru Madrid, at Bianca Umali.
Kasama rin sina Jeric Gonzales, Julie Anne San Jose, Sanya Lopez, Jak Roberto, Ken Chan, Gabbi Garcia, at Kahlil Ramos sa mga contract artist ng GMA Artist Center o soon-to-be Sparkle.
Si Manahan ay co-founder, kasama ni Freddie M. Garcia, ng Star Magic, kung saan si Mr. M ang chairman emeritus nang umalis siya sa bakuran ng ABS-CBN noong September 2020.
Ang Star Magic, na talent management arm ng ABS-CBN, ay matagal na pinaglingkuran ni Manahan na tumuklas at nag-build up sa mga artista na sikat ngayon sa Philippine entertainment industry.