Ang Cebu ang isa sa mga naapektuhan nang husto ng Super Typhoon Odette na nanalanta sa maraming bayan sa Visayas at Mindanao noong December 16, 2021.
Hanggang ngayon, hindi pa rin normal ang takbo ng pamumuhay ng mga kababayan natin sa Cebu dahil sa mapaminsalang kalamidad.
Pinatotohanan ito ng former EB Babes member at aktres na si Lian Paz, na naninirahan na ngayon sa Cebu kasama ang kanyang pamilya.
“Twenty-three days nang walang electricity and water. We have generators but limited use.
"Tubig is running pero mahina dahil generator lang ang gumagana. May shortage of food pa rin.
"We experienced celebrating Christmas at New Year na walang power. But we’re grateful na marami man ang dapat i-rebuild, what’s important is safe ang lahat," kuwento ni Lian sa pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files ngayong Sabado ng gabi, January 8, 2022.
Noong December 15, magkasamang lumipad sa Maynila si Lian at ang kanyang fiancé na si Leonhardt John Cabahug dahil sa dalawang parangal na tinanggap ng huli mula sa Philippine Social Media at sa 8th Elite Business Leadership and Entrepreneurship.
Si John ang recipient ng Star Brand for 2021 award ng Philippine Social Media na ginanap sa Okada Manila noong December 15, 2021. Ito ay para sa produkto ng kanyang kompanya, ang VDrink, ang premium malunggay-based juice drink brand.
Pinarangalan naman siya sa 8th Elite Business Leadership and Entrepreneurship na idinaos sa Sofitel Manila noong December 16, 2021 dahil sa kanyang mga achievement bilang matagumpay na negosyante.
May isang parangal pa para sa VDrink noong September 2020, ang Best Premium Quality Wellness Lactating Malunggay Juice Drink Brand mula sa QAsia, pero hindi na ito napuntahan nina Lian at John dahil sa travel restrictions na epekto pa rin ng COVID-19 pandemic.
CHANGE OF PLANS DURING CHRISTMAS AND NEW YEAR
Maligayang-maligaya si Lian para kay John at sa kompanya nila, pero napalitan ng pag-aalala ang kanilang kasiyahan dahil sa perhuwisyong iniwan ng Typhoon Odette.
Saad ni Lian, “We didn’t know na ganoon kalakas ang parating na bagyo.
"Napuntahan namin ang mga awarding ceremony noong December 15 at December 16. Yun lang talaga ang ipinunta namin sa Manila.
"Our flight was not cancelled. December 17 ang dapat na balik namin sa Cebu, pero no flights na dahil nga kay Typhoon Odette, kaya December 19 na kami nakauwi."
Ang malakas na bagyo rin ang dahilan kaya nagbago ang mga plano nina Lian at John para sa pagdiriwang nila ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Lian, “Excited nga kami dahil holiday season at kapag Christmas, siyempre para sa mga bata saka fully vaccinated na kami.
“Pero hindi namin ine-expect na ganoon kagrabe ang bagyong Odette. Apektado ang mga business namin, pati ang mga bata.
“Knowing John na priority ang mga bata, yun ang support na ibinigay ko sa kanya. Siya naman, inisip niya ang current situation ng kanyang mga tauhan.
“Kumbaga, he knows that the kids are okay with me, so mas nakapag-isip siya nang mabuti sa mga dapat unahin.
"Si John is more on thinking talaga, diskarte and planning. Ako naman, based on experience naman sa work. I can do things based on his plans ahead.”
NEEDS BEFORE WANTS
Nakapalaki ng responsibilidad ni John dahil maraming mga tao ang umaasa sa kanya—ang mga empleyado ng mga kompanya niyang Skinmate, Vista Azul Private Resort, Enchanted Mountain Resort, at 7-11 store.
Dahil sa malawak na pinsala na hatid ni Typhoon Odette sa kanyang mga negosyo, ang solusyon sa mga problema na kinakaharap nila ang unang ginawa ni John.
“Needs before wants. 'Yan ang solution ko,” ani John sa Cabinet Files.
“Since we all know Christmas season is to be celebrated with gifts and how we want it traditionally, sinet aside muna namin ‘yan kasi may mga circumstances na we cannot control.
“Typhoon Odette came and it changed my plans. Hindi lang kasi employees namin affected but their families too.
“Pinalawak ko ang pag-intindi ko. I focused on their welfare to survive that calamity. It is hard without electricity and water and worst is, yyung iba, no roofs na, total wreck.
“It is hard to imagine and see what they’ve worked hard for mawala lang nang ganoon. So I tried my best to be optimistic in front of them, which is not something new to my employees because they know that I adjust depending on the circumstances,” sabi ni John tungkol sa paglutas niya sa hindi inaasahang problema na iniwan ng malakas na bagyo.
At dahil hindi pa normal ang supply ng kuryente at tubig sa lugar nina Lian at John, apektado rin ang manufacturing ng malunggay juice drink na isa sa mga pinakamabenta sa mga negosyo nila sa panahon ng coronavirus pandemic at pangunahing source of income ng kanilang mga tauhan.
Lahad ni Lian, “Mabuti na lang, nakapag-stock kami nang marami before Typhoon Odette. Pero for 23 days talaga, we did not manufacture.
“Next week, hindi na puwedeng wala dahil sa pending orders pero baka hindi na umabot ang stocks dahil kailangan na ng mga tao ng malunggay juice.”