Bumuhos ang simpatiya at mga tulong kay Narding Flores, ang 80-year-old grandfather mula sa Asingan, Pangasinan na dinakip at isang linggong nanatili sa kustodiya ng Asingan Police dahil sa bintang na pamimitas ng halos sampung kilo ng mangga.
Ayon kay Lolo Narding, ang mga manggang pinapitas niya ay mula sa puno na kanyang itinanim pero nasasakupan umano ng lupain ng taong nagsampa ng reklamo laban sa kanya.
Naging national issue na ang karanasan ni Lolo Narding dahil sa atensiyong ibinigay ng media sa kanyang kaso, na unang lumabas sa official Facebook page ng Public Information Office (PIO) ng Asingan pero burado na ngayon.
Sa mga showbiz personality, si Ryza Cenon ang unang nagpahayag ng pagtulong kay Lolo Narding.
Gustong bayaran ng aktres ang P6,000 na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado. Pero nahirapan si Ryza at ang kanyang handler na si Caryl Paraico sa pakikipag-ugnayan dahil walang sumasagot sa paulit-ulit na pagtawag nila sa telepono ng opisina ng Asingan Police kahapon, January 19, 2022.
Hindi lamang si Ryza ang nagpaabot ng tulong kay Lolo Narding dahil marami ang mga good Samaritan na nagsabing sila ang magbabayad ng piyansa na itinakda ng korte.
Tiniyak ni Ryza na kahit nakalaya na si Lolo Narding, magpadadala pa rin siya ng tulong sa matandang nakaapekto sa kanya nang husto ang karanasan dahil malapit sa puso niya ang mga lolo at lola.
Related Story: Ryza Cenon, nagboluntaryong bayaran ang piyansa ng 80-anyos na lolong inaresto dahil sa 10 kilo ng mangga
LAKING LOLA
Dalawang taong gulang pa lamang si Ryza nang bawian ng buhay ang kanyang nanay na si Rosanna Simbulan dahil sa stomach cancer noong April 1991.
Napakahirap mawalan ng ina sa murang edad pero naging normal ang kabataan ni Ryza dahil sa pag-aaruga at pagmamahal ng kanyang Lola Aida na 83 years old na ngayon.

Ang mataas na paggalang ni Ryza sa mga lolo at lola ang dahilan kaya nakaramdam siya ng galit nang mabasa niya ang malungkot na sinapit ni Lolo Narding.
Pahayag ni Ryza sa Cabinet Files, “Nainis po at ako at nalungkot. Nainis dahil para lang sa sampung kilo ng mangga, kinasuhan si Lolo at wala siyang kalaban-laban.
“Sana man lang, binigyan siya ng konsiderasyon ng nagreklamo dahil tulad nga ng sinabi ni Lolo Narding, sa pagkakaalam niya ay sakop nila ang puno ng mangga.
“Nakakalungkot na ipinakulong ang isang 80 years old imbes na pag-usapan na lang nang maayos ang problema. Humiling naman si Lolo Narding na makipagsundo na lang siya.”
Apektado si Ryza dahil malapit nga sa puso niya ang mga lolo at lola.
Saad ng aktres, “Two years old pa lang ako nang mawala ang nanay ko. Lumaki ako sa lola kaya naapektuhan ako sa nangyari kay Lolo Narding.
“Malaki po ang pasasalamat ko kay Lola Aida dahil siya ang tumayo bilang ina namin ng kuya ko nung mawala si Mommy.
“Never po nagkulang si Lola Aida sa amin pero at the same time, bukod po sa amin ng kuya ko, may ibang mga responsibilidad din siya. Kaya mula bata pa, natuto na po kami ng kuya ko na maging independent."
Dagdag ni Ryza, “Aaminin ko rin na maraming moments sa buhay ko na inisip ko na sana nandito pa ang mommy ko kagaya noon pumapasok pa ako sa school, tuwing may mga event na kailangan ang parents or nang maging artista ako, at ngayon na nanay na rin ako.
“Sana nandito pa si Mommy para na-experience sana namin yung moments na magkakasama kami.”
May payo rin si Ryza sa mga kabataang kumpleto pa ang mga magulang.
Aniya, “Ang payo ko sa mga kabataan at mga anak na may mga magulang pa, cherish every moment that you have with them because life is fleeting.”