Ganap nang malaya si Nardo Flores o Lolo Narding.
Si Lolo Narding, 83, ay isang linggong nanatili sa kustodiya sa Asingan Police Station sa Asingan, Pangasinan, dahil sa akusasyong walang pahintulot ang pamimintas nito ng mga bunga ng mangga mula sa lupaing hindi siya ang nag-mamay-ari.
“Malayang-malaya na po si Lolo Nardo Flores. Na-dismiss na po ang kanyang kaso,” update ni Atty. James Fernandez ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Facebook page nito tungkol sa theft complaint laban sa kliyente niya.
Naganap ang arraignment kay Lolo Narding sa Municipal Circuit Trial Court ng Asingan-San Manuel, Pangasinan ngayong Martes, February 8, 2022.
Ayon kay Fernandez, humingi ng paumanhin si Lolo Narding kay Robert Hong, ang truck driver at caretaker ng lupaing kinatataniman ng puno ng mangga, na nagsampa ng reklamo dahil sa insidenteng nangyari noong April 2021.
Agad na tinanggap ni Hong ang paghingi ng paumanhin ni Lolo Narding. Iniurong na noon ni Hong ang kaso kaya nagulat siya nang arestuhin ng Asingan Police ang akusado.
Nang tanggapin ni Hong ang paumanhin ni Lolo Narding, naghain si Fernandez ng manifestation o execution of the affidavit of desistance ng complainant na agad na ipinagkaloob o inaprubahan ng korte.
Pinag-usapan at pinagpistahan ng publiko ang pagdakip kay Lolo Narding noong nakaraang buwan dahil marami ang naawa at nakisimpatiya sa kanya.
Sinabi ni Lolo Narding na sampung kilo lamang ng mangga ang pinitas niya mula sa puno na siya umano ang nagtanim, pero lumitaw ang katotohanan nang lumantad at magsalita si Hong.
Isiniwalat ni Hong na sampung kaing at hindi sampung kilo ang mga bunga ng puno ng mangga na kinuha ni Lolo Narding mula sa lupain na kanyang inaalagaan.
Nagreklamo si Hong sa barangay na unang duminig sa kaso hanggang humantong sa korte ang usapin.
Napilitan si Hong na magtago muna dahil sa mga natanggap na pagbabanta sa kanyang buhay mula sa netizens na hindi alam ang puno’t dulo ng pangyayari.