Nag-resume ngayong Sabado, February 19, 2022 ang shooting ng Sa Muli, ang period movie na pinagbibidahan nina Xian Lim at Ryza Cenon.
Nag-umpisa ang principal photography ng Sa Muli noong February 2020.
Inihinto ito noong March 2020 nang magdeklara ng enforced quarantine sa Luzon at sa National Capital Region dahil sa coronavirus pandemic.
Naging ito pabor kay Ryza na nagbuntis at nagsilang ng kanyang anak noong October 31, 2020.
Marami na ang pagbabagong nangyari mula nang magsimula ang shooting ng Sa Muli noong February 2020.
Bukod sa nanay na si Ryza, naranasan niya sa kauna-unahang pagkakataon ang lock-in shooting sa isang bayan sa lalawigan ng Cavite.
Sinabi ni Ryza sa mga nakaraang interbyu sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na excited na siyang muling umarte sa harap ng kamera na dalawang taon na hindi niya ginawa, at natupad ito ngayon.
Hindi naging problema kay Ryza ang pag-aalaga sa anak niyang si Night habang nasa shooting siya ng Sa Muli dahil nakaisip sila ng paraan ng kanyang partner, ang cinematographer na si Miguel Cruz.
Kung may ikinasasakit man ang kalooban ni Ryza, ito ay ang pag-iyak at paghabol sa kanya ng anak sa tuwing magpapaalam siya.
Hindi makakadalo si Xian sa special preview ng Bahay Na Pula, ang suspense-thriller movie na tinatampukan nila nina Julia Barretto at Marco Gumabao dahil hindi siya puwedeng umalis sa set ng Sa Muli.
Si Fifth Solomon ang sumulat ng kuwento at direktor ng pelikula na unang pagtatambal nina Xian at Ryza.
Gaya ng kanyang lead stars, natuwa si Fifth sa pagpapatuloy ng shooting ng kanilang pelikula na maraming pagsubok ang pinagdaanan.
“Bigla ako na-excite uli na mag-shoot ng pelikula namin Sa Muli. Ang daming pinagdaanan ng proyektong ito, pagsabog ng bulkan [Taal Volcano], pandemya, etc.
"After two years, magre-resume na kami muli. Alam kong matatapos namin na maganda ang pelikula," sabi ni Fifth tungkol sa muling pagtatrabaho nila para matapos na ang Sa Muli.