Fact-check. Misinformed ang ilang netizens na nagdunung-dunungan tungkol sa kasaysayan ng awiting "Sana’y Wala Nang Wakas."
Naging kontrobersiyal at pinag-usapan ang "Sana’y Wala Nang Wakas" dahil sa pagtutol ni Sharon Cuneta na awitin ni senatorial aspirant Atty. Salvador Panelo sa mga campaign sortie ang kantang pinasikat ng singer-actress.
May netizens na nagmarunong at nagsabing walang karapatan si Sharon na magreklamo dahil ang balladeer na si Jun Polistico at hindi ang Megastar ang original singer ng "Sana’y Wala Nang Wakas."
Nawalan ng kredibilidad ang mga netizen na nagkomentong cover song lamang ni Sharon ang "Sana’y Wala Nang Wakas" at ang original version ni Jun ang kinanta ni Panelo.
Walang katotohanan ang kanilang mga paniniwala.
Malinaw na fake news ang ikinakalat ng mga nagmamagaling dahil si Sharon ang unang kumanta at nag-record ng "Sana’y Wala Nang Wakas."
Ginamit itong official soundtrack ng 1986 blockbuster movie na pinagbidahan nina Sharon, Dina Bonnevie, at Cherie Gil.
Matagal na nanirahan sa USA si Jun.
Nang bumalik siya sa Pilipinas noong 1991, pumirma siya ng kontrata sa Viva Records. Ang cover ng "Sana’y Wala Nang Wakas" ang carrier single ng kanyang record album.
Noong nakaraang taon, February 5, 2021, mismong si Jun ang nagkuwento tungkol sa pagbabalik nito sa recording industry nang magpasalamat siya sa isang kaibigan na instrumento sa pag-uwi niya sa Pilipinas, makalipas ang tatlong dekadang pananatili sa Amerika.
Lahad ni Jun (published as is): “Leopoldo Asuncion is the man God used to bring me back from the US to the Philippines 30-years ago to book me 13 series of shows w/Pagcor which I also was contracted by VIVA to record my "Back Again" album with Sana'y 'Wala Nang Wakas' as the single carrier.
“And in the next two years in d' lowest point of my life D' LORD JESUS found me & got born again. I thank the Lord for having this man a channel of his plan in my life.”
Ito ang patunay na hindi si Jun ang original singer ng "Sana’y Wala Nang Wakas," na muling pinag-uusapan makaraan ang tatlumpu’t anim (36) na taon dahil sa isyu sa pagitan nina Sharon at Panelo.