Humingi ng paumanhin at nagbitiw sa puwesto si Negros Oriental Ex Officio Board Member Kurt Matthew Teves.
Ito ay kasunod ng pananakit niya sa security guard na si Jomar Pajares sa insidenteng nangyari sa entrance ng BF Homes Subdivision, sa Parañaque City, noong March 16, 2022.
Hinamon ni Kurt ng barilan, sinuntok, pinaluhod, at sinipa niya si Pajares nang magmatigas itong hindi papasukin sa loob ng subdivision ang kanyang minamanehong sasakyan dahil walang proper sticker.
Nakunan ng cellphone camera ang pananakit ni Kurt sa biktima at inilabas din ang CCTV footage.
Naging isang malaking balita ang pangyayari, lalupa’t sinabi ng akusado na anak siya ng congressman.
Read: Anak ng congressman, huli sa camera na nanuntok at nanipa ng security guard
Inihayag ni Kurt ang kanyang paghingi ng paumanhin at ang desisyong magbitiw sa tungkulin sa pamamagitan ng isang press conference na naganap sa kanyang tanggapan nitong Miyerkules ng hapon, March 23.
Bahagi ng pahayag niya: “What happened is already done. Whatever the exchange of words were, I was wrong to lay my hands on him.
“For that I offer my sincerest apologies. Apologies to all of you, here and to the other party concerned. This incident is entirely on me, no one else. No one else.
“I must respectfully resign from my office as a public official while I face this problem and give time to reflect on my own person as well.
“To my family, friends, allies, and supporters, I ask for your understanding. As a public official I will try to do my best. I will strive harder and come back a better person and a better leader.”
Handa raw si Kurt na harapin ang kaso kung sakaling makarating sa korte ang usapin.
Kasama ni Kurt sa naganap na press conference ang kanyang amang si Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., na nagbigay rin ng pahayag sa wikang Cebuano tungkol sa kasong kinasasangkutan ng anak niya.

Congressman Arnolfo Teves Jr.
Sinabi ni Congressman Teves na hindi siya kunsintidor na ama tulad ng akusasyon ng bashers.
Kung kunsintidor daw siya, hindi niya papayagang sampahan ng kaso at magbitiw sa puwesto ang kanyang anak.
“Maraming nagsasabi sa akin, sa Manila pa lang ako, bakit hindi ako nagbibigay ng statement?
“Ang sabi ko, sa anak ko ‘yan na issue. Siya ang dapat humarap. Hindi ako nagsalita hangga’t hindi siya nagsasalita,” pahayag ni Teves sa wikang Bisaya na isinalin ng PEP.ph sa salitang Tagalog.
“Sino ba ang nag-give up ng posisyon ever in the Philippines? No one else except Miguel Zubiri.
“I believe my son was the second official in the Philippines to give up a position because of a mere issue, not even a kaso,” dagdag na pahayag ni Teves.
Ipinaalala rin ni Teves ang nakasulat sa Bibliya na huwag maghusga nang dahil lamang sa isang pagkakamali dahil ang lahat daw ay nagkakamali.