Patuloy ang imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District sa kaso ng pagkamatay ng 55-year-old American singer na si Keith Martin.
Sa initial investigation ng mga tauhan ng Station 12, natagpuan ang walang buhay na katawan ni Keith sa kanyang condominium unit sa Quezon City.
Natuklasan ang nangyari kay Keith dahil ipinarating ng kanyang mga kapitbahay sa mga kinauukulan ang masangsang na amoy mula sa unit niya.
Tumutugma ang imbestigasyon ng pulis sa kuwento ni Sheree, ang singer-actress na matalik na kaibigan ni Keith na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, March 25, ilang oras matapos madiskubre ang bangkay ng singer.
Ang social media page ng record label na Def Jam Philippines ang unang naglabas ng balita tungkol sa pagpanaw ni Keith, at nagkataong si Sheree ang kilalang kaibigan ng American singer kaya ang PEP.ph ang gumawa ng paraan na makipag-ugnayan sa kanya.
Sa katunayan, makikita sa recent social media posts ng namayapang singer si Sheree dahil nagkaroon sila ng podcast nito lang February 16.

Nagmagandang-loob si Sheree na magsalita bilang kaibigan ng yumao dahil isa nga siya sa mga unang nakaalam sa nangyari kay Keith.
Nakilala si Keith ng mga Pilipino dahil sa kantang "Because of You," ang popular song niya na sumikat din sa Indonesia kaya malaking balita rin sa naturang bansa ang kanyang pagkamatay.
Ang CNN Indonesia ang isa sa mga media outlet na naglabas ng report tungkol sa pagpanaw ni Keith na tatlong taong nanirahan sa Indonesia bago siya permanenteng namalagi sa Pilipinas.

Naulila ni Keith ang kanyang anak na lalake na bunga ng pakikipagrelasyon niya noon sa isang Pilipina.
Kasal si Keith sa kanyang American wife na si Melissa Cote Martin, pero maaga siyang nabiyudo.
Makikita sa Facebook page ni Keith ang video ng "Forever Will Be," ang kanta na inawit niya sa araw ng kasal nila ni Melissa noong February 10, 1995.