Isang malapit kay Loren Legarda, deputy speaker of the House of Representatives, ang nagsabi sa Cabinet Files na hindi ito magsasalita tungkol sa pagtatakwil na ginawa sa kanya ng anak niyang si Lorenzo Leviste.
Mabibigat ang mga paratang at masasakit na salita ang pinakawalan ni Lorenzo laban sa kanyang ina sa pamamagitan ng isang open letter.
Ito ay nag-ugat dahil sa pakikipag-alyansa ni Loren, na tumatakbong senador ngayong May 9, 2022 elections, kina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Read: Loren Legarda's son disowns her for supporting Ferdinand Marcos Jr.: "I am absolutely disgusted..."
Marami ang hindi makapaniwala sa inasal ni Lorenzo.
May mga natuwa sa paninindigang ipinamalas ni Lorenzo, pero may mga nasaktan at nalungkot din dahil sa pagbabalewala umano nito sa Ika-Apat na Utos ng Panginoong Diyos at pagtatakwil sa ina na nagbigay ng buhay sa kanya.
Naging political issue na ang eskandalo na inumpisahan ni Lorenzo.
Makikita sa lahat ng mga social media platform ang pagtatanggol ng mga Kakampink o supporters ni Vice President Leni Robredo sa ginawa niya.
Samantalang maigting ang pagdepensa sa kanyang ina ng mga sumusuporta kay Marcos Jr., anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.
Maraming mga nanay ang nakikisimpatiya kay Loren at naniniwalang hindi lamang tungkol sa pulitika ang ugat ng pagkondena ni Lorenzo sa ina nito.
Posibleng mas malalim at personal ang pinanggagalingan ng kanyang poot na pinatunayan ng pahayag niyang “I am in utter grief. F*** my mother for abetting this. Their crimes are her crimes now. Make her defend them.”
Sinabi ni Lorenzo sa open letter nitong matagal na silang hindi nagkikita ng kanyang ina.
Pero dahil sa "Break Free" video post ni Ariana Grande — ang American singer na walang kamalay-malay na nadadawit ang pangalan sa mga political issue sa Pilipinas — tungkol sa rally para kay Robredo, saka lamang daw niya nalamang may eleksyon na nagaganap sa ating bansa.
Ang open letter na inilabas ni Lorenzo sa Rappler ang nag-udyok sa ilang Pinoy netizens para magsaliksik tungkol sa kanyang tunay na pagkatao at sa mga nangyayari ngayon sa buhay niya sa ibang bansa.
May kinalaman ba ang kanta ni Ariana na "Break Free" sa desisyon ni Lorenzo na magsalita laban kay Loren, na naging higit na masakit dahil itinakwil niya ito apat na araw bago ipagdiwang at dakilain ang ating mga ina?
Tanging si Lorenzo lamang ang nakakaalam sa katotohanan, pero hinding-hindi namin malilimutan ang nakangiting reaksiyon ni Loren nang mapag-usapan noon sa isang media conference ang kanyang bunsong anak.
“Ay, mataray yun! Mataray yun!” sariwa pa sa aming isip na sabi ni Loren, na hindi namin inakalang magiging biktima rin ng katarayan at mas matindi pa, ng sariling anak.