Malaking sakripisyo para sa ating mga kababayan ang pagdalo kagabi, May 7, 2022, sa magkasabay na miting de avance ng UniTeam sa Parañaque City at ng TRoPa sa Makati City.
Wala kasing masakyan at matindi ang sitwasyon ng trapiko.
Bagamat yung makikitang posts sa social media ay puro good vibes, hindi maikakailang nakaranas ang mga supporters ng gutom, pagkauhaw, at pagod dahil halos nakatayo sila all throughout the miting de avance at ang iba, napilitang maglakad pauwi sa kani-kanilang mga tahananan. Mayroon ding mga nagpalipas ng oras sa kalye hanggang makakuha ng mga masasakyan.
Pero isang pampa-good vibes ang nangyari kaninang madaling-araw ngayong Linggo, May 8, kay Arnell Ignacio at sa apat na kabataan na mga Kakampinks o supporters nina Robredo at Senator Kiko Pangilinan.
Nanggaling si Arnell mula sa miting de avance ng UniTeam sa Parañaque at pauwi na siya ng bahay nang madaanan niya sa kalye ang mga kabataang nagmula naman sa miting de avance ng TRoPa sa Makati.
Bakas sa mga mukha ng mga kabataan ang pag-aalala dahil hirap silang makakuha ng masasakyan.
Nagmagandang-loob si Arnell na pasakayin sa kotse niya ang mga stranded passengers.
Sa Facebook Live ni Arnell, maririnig ang kuwento ng isa sa mga Kakampinks, "So we’re looking for a ride and Sir Arnell Ignacio eventually came and saved us. Nakisakay kay Arnell Ignacio for Leni-Kiko!”
Ang sabi naman ni Jolan, isa sa mga Kakampink na pinasakay ni Arnell, "Sa mga BBM supporter, ingat kayo. Ingat kayo. Ito ang patunay na nagpapabawas tayo ng toxicity. Alam naman natin yung grabe ng bigat ng labanan."
Saka nagsalita ang singer-comedian at director ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), "Kasi, kanina ko pa napapansin na walang masasakyan yung mga kasama natin na Pink!
"O, di ba, ang ganda naming tingnan? This is the way to do it.
“Kapag Pink pala, puro bagets. Tingnan niyo ang mga kasakay ko. Lahat sila, naka-pink, ako lang ang nakapula,” ang komento pa ni Arnell.
Sabi ng isang pasahero, “Winelcome niya po kami."
Dugtong ni Arnell, "E, kasi nakita ko wala talaga silang masasakyan, makikita sa mukha [nila] di ba? Mukhang panic. Parang mga anak ko na ito, e. Nakita ko yung mga mukha, parang nagpa-panic.
"Kanina naman, nakita ko ale kaya lang baka matakot sa akin, bakit ko siya isinasakay? As if naman, may balak ako sa kanya,” ang salita ni Arnell na masayang nakikipagbiruan sa kanyang mga pasahero.
As of 10 a.m., naka-255K views na ang video mula nang mag-live ito 10 hours ago.
Nakakatuwa na sa huli, bayanihan, hindi balitaktakan, ang nangingibabaw.