Sa media conference ng kanyang comeback concert na Luv-Anne noong Miyerkules, May 25, 2022, sinabi ni Anne Curtis na may important announcement siya ngayong Biyernes, May 27, ganap na alas-dose ng tanghali, sa kanyang social media accounts.
Nang tanungin kung tungkol saan ang kanyang mahalagang anunsiyo, sagot ni Anne: “Abangan niyo. Secret!”
Ngayong tanghali, inilabas ni Anne ang video ng kanyang important announcement — ang pagbabalik niya bilang isa sa mga host ng It’s Showtime bukas, May 28.
Sa video, mapapanood si Anne habang nasa helipad siya ng ABS-CBN building, bumaba sa hagdan, sumakay sa elevator at naglakad sa hallway papunta sa studio ng It’s Showtime.
May caption itong “This time. Tomorrow. FINALLY. See you MADLANG PEOPLE!" at hashtag na "#ANNEditoNaSaShowtime."
Mahigit dalawang taong hindi napanood si Anne sa It’s Showtime dahil nagbuntis siya at nagsilang sa kanyang anak na si Dahlia kaya na-miss niya nang husto ang noontime program ng ABS-CBN.
Read: Anne Curtis gives birth to baby girl
MOST FOLLOWED WOMAN ON INSTAGRAM
Ang pagbabalik sa It’s Showtime at ang kanyang Luv-Anne comeback concert sa Newport Performing Arts Theater sa June 11 ang ilan sa maraming pinagkakaabalahan ni Anne.
Pero hindi nito nakalimutang pasalamatan ang kanyang Instagram followers na umabot na sa 18 million ang bilang kaya siya ang may hawak ng record na "Most Followed Woman on Instagram" sa Pilipinas.
Saad ni Anne, “Nakakatuwa lang na even if I’m not as active na ngayon sa social media or even sa entertainment career ko, I’m very grateful that I still have these following, who are supporting me.
"So, maraming salamat din talaga for people who continue to follow me. Mga new followers pa nga, nadaragdagan, so maraming-maraming salamat.
"And to those who have been my followers since Day 1, grabe!
"Binabasa ko yung mga comment. Sabi ng iba, 'O, dalawang dekada na kitang sinusuportahan.’
“Nakakatuwa lang na parang we’ve all grown up together, some are also mothers now. I’m just so grateful that they stuck with me throughout the many years.”